Dead on the spot ang isang 44 taong gulang na lalaki matapos siyang pugutan ng ulo ng kaniyang kainuman sa Dipolog City.
Ayon sa imbestigasyon pulisya halos tatlong oras na raw magkainuman ang 26-anyos na suspek at biktima nang maganap ang karumal-dumal na krimen.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang pagiging "heartbroken" umano ng suspek ang naging mitsa para atakihin nito ang biktima.
Sa salaysay ng suspek, nagdilim na raw ang kaniyang paningin matapos siyang biru-biruin ng biktima tungkol sa pagiging sawi niya sa pag-ibig, kahit maka-ilang beses na raw niya itong sinasaway.
Bunsod nito, nagpasyang atakihin ng suspek ang biktima gamit ang kaniyang itak. Sinubukan pa umanong pumalag ng biktima ngunit nauna siyang masugatan sa kamay at bunsod ng kalasingan ay nawalan ng balanse at saka bumagsak sa sahig.
Doon na raw inundayan ng suspek at biktima at saka pinugutan ng ulo.
Samantala ilang residente rin sa lugar ang nagsasabing gumagamit din umano ng ilegal na droga ang suspek, na posibleng nakadagdag sa motibo niya sa pagpatay sa biktima.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.