Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may iilang buwan na lamang umano ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) at saka ililipat sa kanila ang mga trabaho at imbestigasyon ng naturang komisyon.
Sa panayam ng Unang Balita kay Remulla nitong Biyernes Disyembre 5, 2025, iginiit niyang maaaring may isa hanggang dalawang buwan na lamang daw ang ICI.
"Tingin ko mga isa, dalawang buwan na lang 'yan [ICI], at maaari nang i-turnover sa amin ang kanilang mga trinabaho" ani Ombudsman Remulla.
Dagdag pa ni Remulla, hindi naman daw talaga pang-habang buhay ang operasyon ng ICI.
"Yun ang direksyon niyan, kasi hindi naman forever ang ICI at meron namang batas na nag-create ng Office of the Ombudsman na ngayon ay very active kami," ani Remulla.
Matatandaang noong Setyembre nang itatag ni Pangulong "Ferdinand" Bongbong Marcos, Jr., ang ICI sa bisa ng Executive Order 94.
Samantala, nagkomento rin si Remulla hinggil sa pagbibitiw ni Rogelio Sison sa kaniyang posisyon sa ICI.
Aniya, "Matagal na niyang sinabi sa'kin 'yan na hanggang December lang talaga ang kaniyang pakay na matagal, sapagkat madami din siyang ibang inaasikasong personal. At tsaka nakakapagod talaga ang trabaho niya."
Sa hiwalay na pahayag ni Sison iginiit niyang hindi na raw kinakaya ng kaniyang katawan ang mga trabaho sa ICI.
“Because of the stress, my 77 year old body cannot take it anymore. That’s the other half of the situation,” aniya.
Paliwanag pa niya, “I've been in and out of the hospitals. I just came from my medical work out this early so alam n’yo na kapag nag-medical work out ka, dieta ka ng 10 hours. Maaga kang magigising, blood extraction.”
KAUGNAY NA BALITA: ‘My body cannot take it anymore!’ ICI ex-Comm. Singson, stress sa trabaho kaya nagbitiw sa puwesto