Tinuldukan na ni dating Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang espekulasyon kaugnay sa umano’y napipintong pagbibitiw niya bilang Special Adviser at Investigator ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa panayam ng One Balita Pilipinas nitong Biyernes, Disyembre 5, pinabulaanan ni Azurin na siya ang susunod na magre-resign sa komisyon matapos bumaba ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson bilang miyembro nito.
"Pertaining po do'n sa akin na nag-iisip na ako ay magbitiw, wala pong katotohanan po 'yon, specifically po do'n sa mga in-allege ng mga nag-report na hindi maganda ang relasyon namin ng aming chairman Andy Reyes,” saad ni Azurin.
Dagdag pa niya, “Sa katunayan po ay napaka-extraordinary po na boss ni Chairman Andy Reyes. Napakabait po at nae-encourage po ang lahat. Kahit nga po medyo wala pa hong budget na dumarating sa amin, siya po mismo ay nag-aabono rin po.”
Matatandaang inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa isang panayam na may naririnig umano siyang susunod pang magbibitiw bukod kay Singson bagama’t hindi niya pinangalanan kung sino.
Samantala, ideneklara naman ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd District Rep. Egay Erice ang kamatayan ng ICI nang magbitw si Singson.
"ICI is now dead, it has no credibility, especially ngayon bago ng bago ang naratibo ng Palasyo. Cover-up will require a series of cover-ups until it explodes right in their faces," saad ni Erice.
Maki-Balita: Sa pagbitiw ni Singson: ICI natodas na!—solon