Ipinahinto ng Estados Unidos ang lahat ng pending immigration applications mula sa 19 “countries of concern,” na nangangahulugang kahit ang mga aplikanteng may pending green card ay masasailalim sa pause at muling pagsusuri.
KAUGNAY NA BALITA: 'Migration' ng lahat ng '3rd world countries' sa US, ipagbabawal na ni US President Trump
Ang hakbang ay kasunod ng pamamaril sa dalawang miyembro ng National Guard sa Washington, D.C.
Ayon sa memo ng U.S. Citizenship and Immigration Services (USCIS) na inilabas, ang sinumang mula sa mga bansang kabilang sa bagong travel ban list ng administrasyon na kasalukuyang nasa U.S. ay magkakaroon ng paused application para sa asylum o iba pang benepisyo, kabilang ang green card.
Sa pahayag ng Department of Homeland Security, sinabi ng tagapagsalita: “The Trump Administration is making every effort to ensure individuals becoming citizens are the best of the best. Citizenship is a privilege, not a right. We will take no chances when the future of our nation is at stake. The Trump Administration is reviewing all immigration benefits granted by the Biden administration to aliens from Countries of Concern.”
Binanggit sa memo ang pag-atake noong nakaraang Miyerkules sa dalawang miyembro ng National Guard malapit sa White House ng isang suspek na umano’y pumasok sa Estados Unidos mula Afghanistan noong 2021.
Nasawi si U.S. Army Specialist Sarah Beckstrom kinabukasan, habang nananatiling kritikal ang kondisyon ng kasamahan niyang si Andrew Wolfe. Kinasuhan ng murder ang suspek nitong Martes.
Kabilang sa 19 travel ban countries ang Afghanistan, Burma (Myanmar), Chad, Republic of the Congo, Equatorial Guinea, Eritrea, Haiti, Iran, Libya, Somalia, Sudan, Yemen, Burundi, Cuba, Laos, Sierra Leone, Togo, Turkmenistan, at Venezuela.
Mananatili ang pause hanggang makapaglabas ang USCIS ng gabay hinggil sa karagdagang vetting para sa mga nationals mula sa mga naturang bansa, ayon sa isang source na nakasuri sa internal documents ng USCIS.