Binuweltahan ni Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang naging komento sa kaniya ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio kaugnay sa pagtanggi nito sa imbitasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na dumalo sa kanilang pagdinig.
“Bakit biglang dinaga si Polong? Anyare sa ‘I welcome the investigation’ at ‘wala tayong tinatago, wala tayong kinakatakutan?’ Wala ka lang palang sisiputan,” komento ni Tinio nitong Huwebes, Disyembre 4, 2025.
MAKI-BALITA: 'Ba't biglang dinaga si Polong?' Rep. Tinio, binoldyak pagtanggi ni Rep. Duterte sa ICI
Samantala, ayon naman sa inilabas na pahayag ni Duterte sa kaniyang Facebook post nito ring Huwebes, sinabi niyang hindi siya umatras sa imbitasyon ng ICI kundi umayaw lang daw sa palabas nito.
“Hindi ako umatras. Umayaw ako sa palabas. Magkaiba ’yun,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kung naniniwala kang ‘independent’ ang ICI, kayo na lang ang hindi nakakakita na propaganda factory ito ng Palasyo—ginawa para pagtakpan ang kapalpakan nila at gawing punching bag ang mga hindi nila kaalyado.”
Ani Duterte, hindi naman daw siya tumatakbo sa mga “tunay” na imbestigasyon.
“I don’t run from real investigations. I only refuse to be part of a scripted circus pretending to be one,” aniya.
Buwelta pa ni Duterte, sina Tinio raw ang tila tumatakbo at umano’y naging “bayaran” ng isang “bangag.”
“Kayo yata ang dinadaga kasi takot kayo at naging bayaran ng isang bangag. Ano na mga teachers ‘yan ba [nagre-represent] sa inyo?” kuwestiyon niya.
Paghahamon pa niya, “Kung gusto mo ng katotohanan, huwag sa stage na may teleprompter. At huwag mo akong turuan ng tapang habang nasa propaganda committee ka rin sumasayaw.”
Depensa ni Duterte, bukas daw ang kaniyang record at malinis ang kaniyang pasensya.
“My record is open. My conscience is clean. At hindi ako papagamit sa political drama ng kung sinu-sino. As I’ve said time and time again, the records are readily available, and the projects are there ready to be inspected. The ICI can simply obtain such records and examine it and compare them to the projects implemented,” paliwanag niya.
Giit pa ni Duterte, wala raw siyang nakikitang dahilan para dumalo sa imbitasyon ng ICI dahil hindi naman daw siya parte ng appropriations committee noon.
“I was never part of the appropriations committee nor was I involved in the disbursement of funds as well as the implementation of the project. I therefore see no reason for me to appear before the ICI,” ‘ika niya.
“Galit ka dahil di niyo ako napapunta sa trap niyo? Ugok di ako pinanganak kahapon!” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa namang bagong inilalabas na pahayag si Tinio kaugnay sa mga nasabi ni Duterte.
MAKI-BALITA: 'Ba't biglang dinaga si Polong?' Rep. Tinio, binoldyak pagtanggi ni Rep. Duterte sa ICI
MAKI-BALITA: Pulong, tinanggap hamon ni Tinio na imbestigahan flood control projects sa Davao
Mc Vincent Mirabuna/Balita