Umabot sa 85% ang bilang ng grade 1 to 3 students sa bansa na hindi “grade-level ready” ang kapasidad ng pagbabasa ayon kay Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) Executive Director Karol Mark Yee sa isinagawang 2025 National Literacy Conference ng EDCOM kamakailan.
“Noong nagsimula po ang school year, all of our students were ‘struggling readers,’ at ‘yong grade level-ready mula sa grades one to three ay 15% lamang,” saad ni Yee mula sa isinagawa nilang assessment noong Hulyo ng 2025.
Sa nasabi ring assessment, binanggit niya na karamihan ng estudyante sa bansa ay mayroong “learning gap” na 5.5 taon.
“Nag-observe kami ng mga estudyante na noong panahon na ‘yan, naga-attend ng National Learning Camp, at ang nakita po namin na these are high school students in the NLC that we’re struggling with subtraction, division, and multiplication, pero po, pagpasok nila, Grade 9 na sila,” ani Yee.
Idinagdag din niya na sa kabila ng “learning gap” na ito, ang kadalasang lessons ng Grade 9 sa unang quarter nila ay quadratic equations, inequalities, and functions, at tsaka rational algebraic expressions sa asignaturang matematika.
“Kaya nga po ang sabi namin, kung hirap tayo sa subtraction tapos tinanong po namin ‘yong students, ‘ano ang ten times ten?’ Hindi po sila makasagot. ‘Ano ang five times five?’ ‘Ano ang zero times zero?’ Hindi po talaga makasagot ‘yong mga estudyante, nagtitinginan na lang,” paliwanag ni Yee sa nasabing krisis sa edukasyon.
Ibinahagi pa niya na base sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) nito ring 2025, 24 hanggang 30% ng college graduates sa bansa ay hindi “functionally literate.”
“Ibig sabihin po ng ‘functional literacy,’ kapag bumoto, naiintindihan ang instructions, kapag bumili ng gamot, naiintindihan ano ang dosage at ano ang instructions, kapag magfi-fill out ng tax form, kayang gawin ‘yon ng mahusay,” paliwanag ni Yee.
“Thirty percent of Filipinos struggle with being able to comprehend these types of day to day needs, kaya isang malaking challenge po siya. Ayon [pa] po sa datos, 28% of high school students are not functionally literate,” dagdag pa niya.
Bukod pa rito, 8% naman ng mga may masters at PHD ay hindi rin functionally literate.
“So it is a national learning crisis. Which is why we all need to do our part in our respective schools and communities to confront this problem,” saad ni Yee.
KAUGNAY NA BALITA: 1 lang sa 4 na Grade 3 pupils ang kayang makapag-divide—EDCOM II
KAUGNAY NA BALITA: Filipino, mga katutubong wika solusyon sa problema ng Pinas sa literacy—KWF
Sean Antonio/BALITA