Inihayag ni Senate President Tito Sotto nitong Huwebes, Disyembre 4, 2025 na determinado ang Senado na aprubahan ang 2026 national budget bago ang Christmas break, at iginiit na hindi nila papayagang umandar ang pamahalaan sa ilalim ng isang reenacted budget.
Ayon kay Sotto, mahigpit na nagtutulungan ang Senado at ang ehekutibong sangay upang tapusin ang spending bill. Babala niya, magiging “dangerous” para sa bansa kung ire-reenact ang 2025 budget.
Aniya, “Sabi nga nila most corrupt budget ng 2025 tapos reenacted? Aba eh masamang mangyayari yun. Hindi namin papayagan lahat ng pwedeng gawin namin para apurbahan ito ay gagawin namin.”
Sinabi ni Sotto na plano ng Senado na ipasa ang panukalang budget sa second reading nitong Huwebes, aprubahan ito sa third reading pagsapit ng Disyembre 9, at isumite ito sa bicameral conference committee sa Disyembre 11.
Inamin din niya na nagkaroon ng pagkaantala ang Senado sa pagsusuri ng mga individual amendments. Paliwanag niya, ang mga ito ay dumadaan sa public hearings upang masiguro ang transparency.
Dagdag niya, “Later on, ’pag after the following day ina-assess na ni Sen. Win ano ang pwede at hindi at pumapatak sa patakaran na gusto natin na transparent at accountable ang budget. ’Dun may konting pinag-uusapan pa kahapon.”
Noong Oktubre, inaprubahan ng House of Representatives sa third reading ang panukalang ₱6.793 trilyong national budget, kung saan 287 ang bumoto pabor, 12 ang tumutol, at dalawa ang nag-abstain.
Sa bersyon ng Kamara, tinanggal ang humigit-kumulang ₱200 milyon mula sa proposed budget ng Office of the Vice President at pinanatili ang unprogrammed appropriations.