Nagkomento si Sen. Lito Lapid hinggil sa pagkakadawit ng ilang mga kasalukuyan at dating senador sa isyu ng korapsyon sa maanomalyang flood control projects.
Sa panayam ng media kay Lapid nitong Huwebes, Disyembre 4, 2025, iginiit niyang ikinalulungkot daw niya ang sinapit ng ilan sa kanilang mga kasamahan sa Senado.
“Nalulungkot naman ako syempre... Sana hindi totoo,” saad ni Lapid.
Itinuro din niya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tila sisi na naturang maanomalyang proyekto.
“Nasa DPWH naman 'yan... sila nag-iimplement hindi naman kami, hindi naman sila (mga kapuwa senador). Hndi naman dumadaan ang budget sa amin,” anang senador.
Dagdag pa niya, “Meron naman mga nagre-request na mga budget official. 'Na gusto po namin magpagawa ng ganito...' eh sinong mag-iimplement non? Hindi naman kaming mga senador.”
Giit pa ni Lapid, umaasa rin umano siya hindi totoo ang mga alegasyon laban sa ilang mga senador.
“Ikinalulungkot ko, syempre kaibigan natin 'yon, mga kasamahan natin dito 'yan. Sana mapatunayan natin na hindi totoo,” saad ni Lapid.
Matatandaang noong Nobyembre nang kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang kasong isasampa sa mga dati at kasalukuyang mga senador.
“Napirmahan na ni Usec. [Roberto] Bernardo ‘yong kaniyang affidavit kaya ‘yong mga nabanggit doon,” pagsisimula ni Remulla, “Bong Revilla, Nancy Binay, Joel Villanueva (sa affidavit ni Henry Alcantara), Jinggoy Estrada, ‘yon ang mga binanggit talaga. Si Sonny Angara [ay] bagong pasok lang, iimbestigahan pa namin,” anang Ombudsman.
“Saka si Grace Poe, iimbestigahan din natin,” pahabol pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Co, Revilla, Estrada, Escudero atbp., may aginaldong warrant of arrest bago magpasko—Ombudsman