December 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Pak na pak o palpak?' Katrina Halili sinubukan kung kakasya ₱500 pang-Noche Buena

'Pak na pak o palpak?' Katrina Halili sinubukan kung kakasya ₱500 pang-Noche Buena
Photo courtesy: Screenshots from Katrina Halili/FB

Kumasa sa challenge ang Kapuso star na si Katrina Halili kung talaga bang sasapat ang ₱500 para makabili ng mga panghanda at rekados sa mga lulutuing pagkain para sa Noche Buena.

"Hindi ako papayag, uulitin ko talaga. Nakakachallenge eh," mababasa sa caption ng Facebook post ni Katrina noong Martes, Disyembre 2.

Makikita sa video ng pag-grocery niya na kinuha niya ang pinakamurang mga rekados at ingredients na kailangan niya para sa paggawa ng macaroni salad, kagaya ng sibuyas, keso, cheese, macaroni, at iba pa.

Nang magbayad na siya sa cashier at na-punch na ng kahera ang mga pinamili, nawindang si Katrina na umabot sa ₱619 ang mga pinamili niya.

Tsika at Intriga

'Mapapasubo?' Doris Bigornia, kakayanin 8 MMFF movies basta ka-date si Atom Araullo

"Eh ano pala kakasya sa ₱500?" napatanong na lang na sabi ni Katrina.

"Tin-ry ko lang kung kakasya ₱500, hindi pala," aniya pa.

Nang tanungin naman ang kahera kung may mga sumubok na ba sa challenge, meron naman daw, pero kagaya niya, hindi rin nagtagumpay na paabutin sa nabanggit na halaga ang mapamimili nila.

Habang nasa loob ng elevator at dala-dala na ang mga pinamili, tila hindi pa matanggap ni Katrina na lumagpas siya sa itinakda niyang budget.

Nangako siyang gagawin ulit ang challenge at sisiguraduhing aabot sa ₱500 ang mapamimili niya sa susunod.

"Wala, talo ako sa challenge. I think uulitin ko pa ulit 'to," aniya.

"Uulitin ko 'to, hindi ako papayag kasi palpak. Kailangan magawa ko 'yong ₱500 na 'yon," giit pa niya.

Matatandaang kamakailan lamang, binakbakan ng mga netizen at celebrities ang naging pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) gayundin ng kalihim nitong si DTI Sec. Cristina Aldeguer-Roque, na puwede nang makabili ng Noche Buena package sa halagang ₱500, para sa isang pamilyang may apat na miyembro.