Pinusuan ng mga netizen ang pagbabalita ng isang tinedyer na kargador sa Divisoria, Maynila kung saan ipinakita niya ang sitwasyon sa nabanggit na pamilihan, na matutunghayan naman sa ABS-CBN News.
Sa gitna ng maingay at mataong kalye ng Divisoria noong Martes ng gabi, isang hindi inaasahang tagpo ang nasaksihan ng ABS-CBN reporter na si Jessie Tenorio Cruzat, isang 19-anyos na tinatawag na "Boy Buhat" ang naglakas-loob na mag-report sa harap ng camera, bitbit ang pangarap na minsang natigil dahil sa kahirapan.
Kuwento ng news reporter sa kaniyang Facebook post, habang naghahanda raw siya para sa live coverage, nilapitan si Cruzat ng isang pamilyar na mukha.
"Oh, kuya andito ka pa rin. Lagari ah!” sambit ng binata sa kaniya, na kalaunan ay nakilalang si Christian Tee.
Ayon kay Cruzat, nakita na niya si Tee noong tanghali nang lumapit ito para magtanong tungkol sa ginagamit nilang mikropono habang sila’y kumakalap ng balita. Ilang beses pa raw itong nakipag-apir at nagpakita ng interes sa kanilang trabaho.
Ngayong gabi, may bago itong pakiusap: kung puwede raw siyang makunan ng video gamit ang sarili niyang cellphone habang hawak ang mic na pangbalita.
“‘Ba't di ka na lang kaya mag-report!’” biro ni Cruzat, na agad namang sineryoso ng binata.
Bagama’t halatang kinakabahan, sinubukan ni Tee ang mag-report. Tinuruan siya ng simpleng breathing at kung paano humarap sa camera.
At nagawa niya.
"Mata sa lente, tiyak ang boses, at kumpas ng kamay na tila matagal na niyang hinahasa," mababasa sa post.
Kinilala si Tee bilang 19 anyos, nakapag-aral lamang hanggang Grade 8 bago huminto dahil sa hirap ng buhay. Sa Divisoria, kumakayod siya bilang “Boy Buhat,” tumutulong magdala ng iba’t ibang paninda para sa mga vendor at mamimili.
“May anak na po ako, 8 months. Nasa Nueva Ecija kasama nanay niya,” kuwento ni Tee.
Ayon kay Cruzat, dito niya lalo naunawaan ang determinasyon ng binata na magdoble-kayod.
Nagbahagi rin si Tee ng mensahe: “Tuloy lang ang laban hangga’t tama ang ginagawa mo.”
Sinabi rin ni Tee na matagal na niyang pangarap maging reporter.
Hindi nagtagal, tinawag na ang susunod niyang raket.
"Andiyan na ‘yong service!” sigaw ng kasamahan.
Mabilis na nagpaalam ang kargador at muling binuhat ang mga paninda, iniwan ang mic, pero hindi ang pangarap.
Ayon kay Cruzat, simple man ang tagpong iyon, malinaw na nagpapaalala na kahit sa pinakaabalang kalsada ng Maynila, may mga kabataang hindi bumibitaw sa pangarap kahit sandali lamang silang nabibigyan ng pagkakataon.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. May mga nagsabi kay Cruzat na sa tinagal-tagal ng ABS-CBN news, siya lamang daw ang nakagawa nito sa isang karaniwang tao.
Paliwanag naman ni Cruzat, "Minsan din akong napahiram ng microphone ni TV Patrol Bicol anchor/reporter Rizza Mostar. I don’t know kung tanda pa ito ni Ma’am Riz pero that moment really made my dream come true. Iba ang kilig at [pakiramdam].
"This photo was taken on August 18, 2018, 6th death anniv of the late Naga City mayor and former DILG Secretary Jesse Robredo. Seven years after, God gave me the opportunity na magpahiram din ng mic sa iba," aniya, kalakip ang tinutukoy na larawan.
May mga nagsabi naman kay Cruzat na sana raw, maging daan ang nangyari para makatanggap ng scholarship si Tee, makapag-aral, at maabot ang pangarap na maging TV reporter din sa malapit na hinaharap.
Sa kaugnay na balita, sa TV5 naman, ang cameraman naman ang naghatid ng balita, live, sa paggabay nina Gretchen Ho at Ed Lingao.
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 47k reactions, 4.2k shares, at 305 comments ang nabanggit na post.