Nag-anunsyo ang transport group na MANIBELA nitong Huwebes, Disyembre 4, 2025 na magsasagawa sila ng tatlong araw na nationwide transport strike mula Disyembre 9 hanggang 11 bilang protesta laban sa mga umano'y labis na multa at mabagal na serbisyo ng mga ahensyabng gobyerno
“Sa susunod na linggo, kami ay magkakasa ng tatlong araw na tigil-pasada,” pahayag ni Mar Valbuena, tagapangulo ng MANIBELA, sa isang press conference.
Ayon kay Valbuena, patuloy na pinapalakas ng mga awtoridad ang kahilingan sa mga driver at operator ng hindi consolidated na pampasaherong sasakyan (PUV) na kumuha ng mga provisional authority.
“Alam naman ninyo na hindi consolidated itong grupo. Tatanungin niyo pa ng mga provisional authority at kung ano-ano,” dagdag ni Valbuena.
Ang Public Transport Modernization Program (PTMP), na nagsimula noong 2017, ay layong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na may Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon. Nais din nitong palitan ang mga yunit na hindi na maituturing na ligtas para sa kalsada.
Ang presyo ng isang modernong jeepney unit ay higit sa ₱2 milyon, isang halaga na sinabi ng mga state-run na bangko tulad ng LandBank at Development Bank of the Philippines na masyadong mataas para sa mga PUV driver at operator.
Ang unang hakbang ng PTMP ay ang pag-konsolidasyon ng mga indibidwal na prangkisa ng PUV sa mga kooperatiba o korporasyon.
Tinuligsa rin ng MANIBELA ang mga pagkaantala sa pagpaparehistro ng mga apektadong sasakyan.
Humingi na ng pahayag ang GMA News Online mula sa Land Transportation Office (LTO) hinggil sa isyu, ngunit wala pang tugon ang ahensya sa oras ng pagsulat ng balitang ito.