Masayang-masaya ang 6-foot rookie guard at nagsisilbing mukha ng Colegio de San Juan de Letran sa NCAA men’s basketball Final 4 semifinals na si Jonathan "Titing" Manalili matapos mapanalo ang laban nila sa katunggaling "Perpetual Altas" ng University of Perpetual Help, Martes, Disyembre 2, sa Smart Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.
Pinangunahan nina Titing at Jimboy Estrada ang Letran Knights matapos magtala ng tig-15 puntos, habang umambag naman ng 11 markers ang Filipino-Canadian rookie guard na si Charles Gammad para sa koponang mula Muralla.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Titing, inamin niyang kabado siya dahil first-time nilang maglaro sa Araneta, pero masaya naman daw siya sa naging performance ng koponan.
"Masaya ako kasi na-execute ko 'yong pinag-eensayo namin, kumbaga na-handle ko 'yong team, hindi man gano'n kalaki 'yong lamang namin..." aniya.
Nang matanong naman kung ano sa palagay niya ang magandang nagawa ng koponan sa nagdaang laban, binanggit ni Titing ang depensa.
Ayon daw sa coach nilang si Coach Allen Ricardo, talagang magsisimula raw ang lahat sa depensa.
"Unang-una, depensa kasi, sabi ni Coach Allen, willingness lang sa depensa, kasi do'n talaga magsimula lahat, so 'yon, dinahan-dahan namin sila, buti hindi pumapasok din 'yong open risk nila."
Sumunod, natanong naman si Titing kung anong pakiramdam na first-time nilang maglaro sa Final 4 at sa Araneta pa.
Aniya, sa totoo lang daw ay kinabahan siya, pero inisip niyang mag-relax dahil isa raw siya sa mga nagdadala sa buong koponan.
"Sa akin, medyo may kaba, kasi nga maraming tao ngayon ta's 'yong venue malaki, so 'yon, sabi ko lang sa sarili ko, 'wag kang masyadong ma-pressure kasi nga isa ka sa mga nagdadala sa team. Nire-remind ko lang sarili ko na mag-relax ako, 'yon kanina, nakikinig ako ng music para ma-relax ako," aniya.