Mangiyak-ngiyak na ibinahagi ni Unkabogable Star Vice Ganda ang kanilang pamasko para sa mga manlalaro ng “It’s Showtime” segment na ”Laro Laro Pick” nitong Huwebes, Disyembre 4.
Aniya, nag-ambagan sila upang makalikom ng ₱1 milyon na ibibigay nila bilang pamasko sa mga manlalaro, tampok ang ilan sa mga residenteng sinalanta ng sunod-sunod na kalamidad kamakailan.
“Hindi namin alam kung paano kayo matutulungan dahil ang dami n’yo, hindi rin naman kami ganoon ka[r]ami,” panimula ni Vice Ganda.
“Kinausap ko kanina ‘yong mga kasamahan ko rito sa dressing room. Nagkasundo kami [na] mag-aambag-ambag kami at kayong lahat, maghahati-hati kayo sa ₱1 milyon. Bukod kay Disyang, magbibigay kami—kaming mga hosts ng additional ₱1 milyon na paghahati-hatian n’yong lahat,” saad pa niya. “Para umuwi kayong may bitbit ngayong Pasko. Sa amin ‘yon [galing]—kami[ng hosts] ang maghahati-hati na pamasko namin sa inyo. “Kung ano man ang abutin noon ‘pag hinati-hati, para sa inyo ‘yon. Merry Christmas po."
Nagpasalamat naman ang unkabogable star sa mga kapuwa niya hosts na tumulong din para maipaabot ang pamasko nila sa mga nasalanta.
“Ayan, maraming salamat sa aking mga kasamahan. Sa mga [It’s] Showtime hosts, thank you very much for your heart. Maraming-maraming salamat sa inyo. Merry Christmas sa inyong lahat,” aniya.
Kaugnay nito, may pahabol ding mensahe si Meme para sa kanila.
“Bumangon kayo, bumangon kayo. Bumangon kayo, utang na loob—at bumoto kayo nang tama. Huwag nang magpapaloko ha!” turan niya.
Sa parehong episode, nakuha ni Disyang ang jackpot prize na ₱1 milyon matapos masagot ang tanong na “1+1.”
Vincent Gutierrez/BALITA