December 14, 2025

Home BALITA

Internal cleansing ng PNP, sumibak ng 9,000 pulis

Internal cleansing ng PNP, sumibak ng 9,000 pulis
Photo courtesy: via PNP

Aabot sa 9,027 na pulis ang natanggal sa serbisyo bilang bahagi ng pinaigting na internal cleansing ng Philippine National Police (PNP) mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 26, 2025, batay sa pinakahuling ulat ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).

Bahagi ang mga natanggal na tauhan ng kabuuang 32,698 pulis na napatunayang nagkasala sa iba’t ibang administratibong paglabag.

Sa kabuuang kaso, 1,725 ang na-demote, 15,311 ang nasuspinde, 1,221 ang pinatawan ng salary forfeiture, 4,355 ang napagsabihan, 528 ang nilagay sa restriction, at 531 ang pinagkaitan ng ilang pribilehiyo bilang bahagi ng pagdidisiplna.

Lumabas din sa ulat na 1,037 sa mga natanggal na pulis ang konektado sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga o nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Internasyonal

Intersection sa NYC, ipinangalan kay Dr. Jose Rizal bilang pagkilala sa Filipino community

Iniulat ng PNP na lalo pang umusad ang internal cleansing sa pamumuno ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. Sa unang 92 araw niya, nalutas ng PNP ang 1,339 kaso na kinasasangkutan ng 2,308 tauhan.

Nagdulot ito ng 428 dismissal, 71 demotion, 448 suspension, at iba pang parusang administratibo. Samantala, 1,152 kaso ang ibinasura o nagresulta sa pagpapawalang-sala, na nagpapakita umano ng matatag ngunit makatarungang sistema ng disiplina.

Ayon kay Nartatez, “Ang PNP ay hindi magdadalawang-isip na disiplinahin at tanggalin ang sinumang sumisira sa tiwala ng taumbayan. Walang puwang ang ‘rogue cops' sa institusyong ito. Our zero-tolerance policy is firm — because public trust is non-negotiable.”

Dagdag niya, ginagantimpalaan ng PNP ang mahusay na serbisyo ngunit mabilis din at determinadong magpataw ng parusa kung kinakailangan.

“Every badge must be carried with honor. Kung may iilang nadadapa o lumalabag sa batas, we will always act decisively. The PNP will continue cleansing its ranks while strengthening the culture of professionalism and service,” aniya.

Nagpahayag naman si PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño ng kaparehong mensahe, at sinabing malinaw sa datos ang pagiging seryoso ng PNP sa pananagutan.

“Hindi kami magbubulag-bulagan sa mali, at hindi rin kami magdadalawang-isip na kilalanin ang tama. Our internal cleansing is firm, fair, and focused on restoring and strengthening public trust,” sabi niya sa isang pahayag.

Tiniyak ng PNP sa publiko na nananatiling transparent ang mga prosesong pandisiplina at nakabatay sa malinaw na polisiya.