Inihayag ng isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) College of Law at dating Dean ng Ateneo School Government na si Atty. Tony La Viña na maaaring may henyo sa likod ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at ng korapsyon sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay La Viña nitong Huwebes, Disyembre 4, sinabi niyang naniniwala siyang hindi si Co ang “mastermind” sa likod ng mga kaguluhang kinakaharap ngayon ng bansa.
“Sa tingin ko talaga they will probably stay to the safer. Mukhang ang fall guy talaga si Zaldy Co. so that must be the highest that they can go to and maybe a couple of senators,” aniya.
Dagdag pa niya, “I think ‘yon ang sinasabi ni President Marcos, ‘makukulong kayo’ pero ang problema’, Zaldy Co is not in the country.”
Ani La Viña, problemang kakaharapin ng bansa at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kung ituturing lang na si Co ang ugat sa mga nasabing korapsyon.
“‘Yon ang magiging problema natin kasi the people will not accept that. People will not accept na napaka-sophisticated ng corruption na ito,” aniya.
“Sabi nga ni Justice Carpio sa interview, may mastermind dito na genius. Hindi ko naman minamaliit si Zaldy Co but he’s not a genius. He’s just an accomplished pero hindi siya ang mastermind,” paliwanag pa niya.
Pagpapatuloy niya, maaari daw na isang mambabatas, dating mambabatas, o miyembro ng Gabinete na magaling sa budget ang nagpasimula ng lahat ng mga nasabing anomalya.
“The mastermind here either a legislator, a former legislator in the Malacañang or in the Cabinet na magaling talaga sa budget,” paghuhula niya.
Paghihimay pa niya, “Alam niya how to steal from the budget. ‘Yong kukunin mo ‘yong pera from the education, from public health, from whatever na ilagay mo sa flood control [project] na isang black hole. ‘Yon ang ginagamit nilang platform ng pagnanakaw.”
“But ginawa muna, kinuha muna sa ibang parte ng budget and them nilagay doon, then binigay sa lahat ng mga corrupt na contractors ng DPWH.”
Ayon pa sa propesor, kailangan daw hanapin ng ICI ang pinakang nasa likod ng mga korapsyong iniimbestigahan nila para hindi ito mawalan ng kredibilidad bilang Komisyon sa pagsugpo ng korapsyong may kaugnayan sa flood-control anomalies.
“‘Yan ang hahanapin dapat ng ICI and if that person cannot be found or they refuse to find him, as a politically protected ‘yong person, wala na. They will lose all credibility,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi naman nagbigay si La Viña ng eksaktong pagkakakilanlan ng indibidwal na maaaring nasa likod ni Co at mga korapsyong nangyari sa flood-control projects ng DPWH.
MAKI-BALITA: Pabuya sa makapagsusuplong kay Zaldy Co, posibleng ikonsidera—Malacañang
MAKI-BALITA: ‘My body cannot take it anymore!’ ICI ex-Comm. Singson, stress sa trabaho kaya nagbitiw sa puwesto
Mc Vincent Mirabuna/Balita