December 13, 2025

Home BALITA National

‘Bembangan,’ nangungunang ‘mode of transmission’ ng HIV sa bansa

‘Bembangan,’ nangungunang ‘mode of transmission’ ng HIV sa bansa
Photo courtesy: Freepik

Nangungunang “mode of transmission” ng patuloy na tumataas na bilang ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) ang sexual contact o pakikipagtalik, batay sa pinakabagong tala ng HIV and AIDS Surveillance Report ng Department of Health-Epidemiology Bureau noong Miyerkules, Disyembre 3. 

Sa nasabing tala, umakyat sa 5,583 ang naitalang kaso ng HIV sa bansa mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, kung saan, 12.13% itong mas mataas kumpara sa bagong HIV cases noong Abril hanggang Hunyo 2025. 

Binubuo ng 4,636 o 83.04% ang nagkaroon nito sa pamamagitan ng sexual contact. 

Sa ilalim nito, 3,661 o 65.57% ang male to male; 659 o 11.80% ang both male and female; at 316 o 5.66% ay mula sa male to female. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Sa ilan pang mode of transmission, binubuo ng pagpapalitan ng karayom ang isa o 0.02%; lima o 0.09% mula sa needlestick injury; walo o 0.14% mula sa mother to child; habang may 933 o 16.71% ang hindi natukoy. 

Sa tala ring ito, nailathala na 1,702 ay mula sa mga nasa edad 15-24 taong gulang habang 2,363 naman mula sa mga nasa 25-34 taong gulang.

Sa kabuuan, mula 1984, umabot na sa 159,278 ang pangkalahatang kaso ng HIV sa bansa. 

Sa kaugnay na ulat, nito lang din 2025 naitala ang “outbreak” ng HIV sa bansa, kung saan ayon kay Department of Health (DOH) Sec. Teodoro “Ted” Herbosa, 30% dito ay mga nasa edad 18 pababa. 

“We have the largest outbreak of new cases of HIV. There's 57 cases of HIV a day. Thirty percent of those are actually below the age of 18, bata. So, this is really a big problem if we are not able to stop this epidemic,” saad ni Herbosa. 

MAKI-BALITA:Perci Cendaña, sinabing ‘gold medalist’ ang Pilipinas pagdating sa HIV cases

Bilang tugon, hinihikayat ng DOH ang mga Pilipino na maagang magpa-test para maagapan ito sa pamamagitan ng anti-retroviral. 

Kasama rito ang panawagan sa Malacanang na pagdeklara ng national public health emergency para sa kaso ng HIV.

MAKI-BALITA: Pilipinas, nangunguna sa buong mundo sa may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV

KAUGNAY NA BALITA: 'Knowledge protects, compassion heals!' Gov. Baricuatro, ipinangako pagpapalawig ng HIV programs sa Cebu

Sean Antonio/BALITA