Binanatan ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio si Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kaugnay sa pagtanggi nito sa imbitasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na dumalo sa kanilang pagdinig.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Tinio nitong Huwebes, Disyembre 4, tila kinuwestiyon kung nagkaroon ba raw ng daga sa dibdib si Duterte.
“Bakit biglang dinaga si Polong? Anyare sa ‘I welcome the investigation’ at ‘wala tayong tinatago, wala tayong kinakatakutan?’” pagtatanong niya.
“Wala ka lang palang sisiputan,” pahabol pa niya.
Ani Tinio, pinatutsadahan niya ang umano;y malakas na postura ni Duterte na wala raw anomalya sa 1st District ng Davao ngunit “nagtago” daw ito sa “maling pribilehiyo” bilang kongresista.
“Malakas ang loob niyang pumustura na walang anomalya sa kanyang distrito pero ngayong inanyayahan siya sa aktwal na imbestigasyon, nagtatago siya sa wala sa lugar na pribilehiyo bilang kongresista,” aniya.
“He was not ‘summoned,’” dagdag pa niya.
Pagpapatuloy ni Tinio, hindi raw sasapat ang “general denial” at kailangang humarap ni Duterte sa mga nais itanong ng ICI.
“Hindi sasapat ang mga general denial. Humarap siya at sumagot sa mga tanong hinggil sa naging paggastos ng pondo ng bayan sa kanyang distrito,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang tinanggihan ni Duterte ang imbitasyon ng ICI para dumalo sa kanilang pagdinig ayon sa sinagot nilang liham sa Komisyon na nakapetsa noong Disyembre 3, 2025.
MAKI-BALITA: 'Pure political propaganda!' Rep. Pulong, tinanggihan imbitasyon ng ICI
“I view ICI as President Marcos Jr.'s tool for pure political propaganda to weaken, or worse destroy the name of VP Sara, FPRRD and our Duterte family's good name. It is a continuing political propaganda and harassment against our family with a view to the 2028 Presidential, national and local elections,” depensa ni Duterte sa kabuuan ng mga dahilang inilatag niya sa pagtanggi sa ICI.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si Duterte kaugnay sa naging pahayag ni Tinio tungkol sa naging pagtanggi niya sa nasabing Komisyon.
MAKI-BALITA: Pulong, tinanggap hamon ni Tinio na imbestigahan flood control projects sa Davao
Mc Vincent Mirabuna/Balita