Halos dalawang linggo na lang ang Pasko na, at isa sa mga tradisyong pinaka inaabangan ng marami ay ang “aguinaldo.”
Sa panahong ito, tiyak na dagsa na rin sa pamilihan ang mga ninong at ninang para mamili ng mga aguinaldong ibibigay sa mga inaaanak nila.
Saan aabot ang ₱500 mo?
Bukod sa sinasabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na kasya na ito pang-noche buena, pero mas kasya ito sa pamimili ng mga pang-regalo!
Narito ang listahan “gift ideas” na puwede ninyong mabili:
1. Tote Bag
Bukod sa fashionable, eco-friendly pa ang tote bags dahil matibay ito at mayroon pang minimalist designs.
Puwede itong ipares sa outfit-of-the-day (OOTD) kapag may gala kasama ang tropa o kaya nama’y lalagyan ng ilang napamiling gulay at prutas kapag namamalengke.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, ang presyo ng tote bags ay nasa ₱150 hanggang ₱490.
2. Night Lamp
Sa mga inaanak na hindi trip ang malakas na liwanag bago matulog, praktikal na regalo rin ang night lamp dahil bukod sa nakapagbibigay ito ng relaxation, mayroon ding cute designs na mapagpipilian.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, maaari nang makabili ng night lamp simula ₱49 hanggang ₱500.
3. Medyas
Maraming “adulting” ang ngayo’y natutuwa sa mga medyas dahil sa stylish designs na mapagpipilian dito, at bukod pa rito, mas mura kumpara sa ibang aguinaldo at tiyak na kakailanganin sa araw-araw.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, para sa mga plain na medyas, maaari na itong mabili simula ₱55 para sa tatlo hanggang limang pares.
Para naman sa mayroong designs, ₱100 para sa isa hanggang dalawang pares.
4. Mug
Katulad ng medyas, kinakailangan din ang mug o baso araw-araw, kaya praktikal itong bilhin para sa mga inaanak.
Kung gusto ng ninong o ninang maglagay ng kanilang “personal touch” sa mug, mainam din itong i-personalize, tulad ng paglalagay ng pangalan o stickers.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, ang pinaka-budget friendly mugs ay nagsisimula sa ₱99 hanggang ₱149, habang ang personalized ay maaari nang mabili simula ₱299 hanggang ₱498.
5. Journal
Dahil kasunod ng Pasko ay bagong taon, mainam ang journal o planner para masulatan ng year-end at new year goals.
Tiyak na pangmatagalan din ito dahil makakasama ito ng inaanak na pagbibigyan buong taon.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, depende sa kung anong klase at gaano kakapal, maaari nang makabili ng journal o planner simula ₱250 pataas.
6. Gift Card o Certificate (GC)
Para sa inaanak na mahilig mag-shopping, tiyak na ikatutuwa nito ang makatanggap ng gift card mula sa kahit anong shop, mall, o kaya nama’y isang aesthetic clinic para “fresh” na salubungin ang Pasko at bagong taon.
Kadalasan, ang GCs sa mga tindahan at mall sa bansa ay nagsisimula sa ₱100.
7. Chocolate o candies
Para sa inaanak na may “sweet tooth,” best bet ng ninong ang ninang ang chocolate o candies na tiyak ay isasabay nito sa noche buena.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, maaari nang makabili ng pack ng chocolates at candies simula ₱150.
8. Mini skincare kit
Kadalasan, mainam itong regalo para sa mga inaanak na pasimula pa lang sa skincare journey nila o naghahanap ng “skin reset.”
Ang mga kadalasang laman ng ganitong kit ay mini facial cleanser, toner, at moisturizer, at kung may sosobra pa sa ₱500, puwede pang samahan ng hand cream.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, ang ilang skincare brand ay mayroong mini kit simula ₱128 hanggang ₱200, habang ang ilang ay nasa ₱190 hanggang ₱350.
9. Coffee bean o tea bags set
Para sa inaanak na coffee o tea-holic, ang set na ito ay naglalaman ng coffee beans o tea bag set na matagal-tagal din maititimpla.
Base sa ilang online shopping apps sa bansa, ang coffee bean set ay nagsisimula sa ₱200 hanggang ₱490, habang ang tea bags ay nagmumula ₱255 hanggang ₱315.
10 Personalized t-shirt
Katulad ng medyas, walang kupas na aguinaldo ang t-shirt dahil isinusuot ito sa araw-araw, at bukod pa rito, puwede rin itong i-personalize para sa “personal touch” ng ninong o ninang na magbibigay.
Base sa ilang online shopping apps, maaari nang makabili ng personalized t-shirt simula ₱100 o ₱150 pataas.
Sean Antonio/BALITA