Nanguna si Vice President Sara Duterte sa isinagawang survey ng "WR Numero" para sa pre-election preferences para sa 2028 Presidential pre-elections.
Sinagot ng respondents ang tanong na "Kung ngayon ang araw ng 2028 national elections, sino sa mga sumusunod na pangalan ang iboboto mo sa pagka-pangulo?"
Para sa pagkapangulo, nanguna sa listahan si VP Sara na may 33.3% habang pumangalawa naman sa kaniya si Sen. Raffy Tulfo na may 13.4%.
Sumunod at pumangatlo naman kay Tulfo si dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo na may 13%, at pumang-apat naman si Sen. Bong Go na may 4%.
Panlima naman sa listahan si Sen. Robin Padilla na may 3.3%, na sinundan ni dating Sen. Grace Poe na may 3.3%, na sinundan naman ni Sen. Risa Hontiveros na may 2.4%.
Ang iba pang mga pangalan ay sina Sen. Bam Aquino (2%), Sen. Kiko Pangilinan (1.6%), Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez (0.8%), Baguio City Mayor Benjamin Magalong (0.5%), at Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla (0.3%).
Photo courtesy: Screenshot from WR Numero
Kung pagbabatayan naman ang factional partisanship, nanguna pa rin si VP Sara sa mga "Pro-Duterte" na may 69%, na sinundan naman ni Robredo na may 7%, subalit nanguna naman sa oposisyon na may 52%.
Photo courtesy: Screenshot from WR Numero
Si VP Sara din ang nanguna kung pagbabatayan ang "by area," kung saan nakakuha ng 23% sa Metro Manila, 20% sa rest of Luzon, 43% sa Visayas, at 58% naman sa Mindanao.
Photo courtesy: Screenshot from WR Numero
Si VP Sara din ang nanguna kung tatanungin naman sa age group; nakakuha siya ng 36% sa 30 anyos pababa, 34% naman sa 31 hanggang 59 anyos, at 20% naman sa 60 anyos pataas.
Photo courtesy: Screenshot from WR Numero
Siya rin ang nanguna kung ang pagbabasehan ay income class: 33% sa Class ABC, 30% sa Class D, at 34% naman sa Class E.
Photo courtesy: Screenshot from WR Numero
Isinagawa ang survey mula Nobyembre 21 hanggang 28, 2025 na may sample size na 1.412 Filipinos.