December 14, 2025

Home SHOWBIZ

Vice Ganda nagpasalamat sa AlDub: 'Ibang lakas ang na-develop namin dahil sa inyo!'

Vice Ganda nagpasalamat sa AlDub: 'Ibang lakas ang na-develop namin dahil sa inyo!'
Photo courtesy: via Balita


Nagpasalamat si Unkabogable Star Vice Ganda sa tambalang AlDub, kung saan itinampok ang aktor at host na sina Alden Richards at Maine Mendoza (aka Yaya Dub).

Kaugnay ito sa nabanggit na kuwento ng “Laro Laro Pick” contestant na si “Nekie” hinggil sa kaniyang karanasan bilang “It’s Showtime fan.” Aniya, nakikipagtalo pa umano siya sa kaniyang asawa dati dahil sa AlDub at It’s Showtime.

“Maraming salamat sa AlDub din. Ibang lakas din ang na-develop sa aming lahat ng dahil sa inyo,” pagpapasalamat ni Vice Ganda sa AlDub nitong Miyerkules, Disyembre 3.

“It’s a death-defying competition, muntik muntik na ngang mamatay—pero maraming salamat. ‘Yong AlDub talaga ang sumubok sa tibay natin. May mga ganoong pagkakataon na ginawang instrumento ‘yong AlDub para mapatunayan natin kung gaano tayo katatag,” dagdag pa niya. “Maraming salamat sa AlDub, at to be fair, ang daming pinasaya rin ng AlDub. ‘Di ba? Ang daming pinasaya, ang daming nabigyan din ng pag-asa—katulad natin ‘di ba, ganoon lang din naman ang intensyon ng AlDub, magpasaya ng maraming tao.”

Isiniwalat niya rin ang ilan sa mga karanasan nila noong mga panahong sikat na sikat ang AlDub at KalyeSerye.

“Walang tulugan. Matatapos ang show, didiretso sa bahay ko, walang matutulog, lahat from my house diretso sa [It’s] Showtime, hindi natutulog [at] kung ano-ano ang iniisip natin doon at binubuo,” paglalahad ni Vice Ganda.

Pagbabahagi naman ni Vhong, AlDub din daw ang dahilan kung bakit isinilang ang segment na “Tawag ng Tanghalan.” 

Ayon pa kay Vice Ganda, ito raw dapat ay isang show sa ABS-CBN Network. Dulot daw sa lakas ng brand nito, isinama na lang ito sa It’s Showtime.

Matatandaang sumikat ang tambalang AlDub noong 2015, sa pangunguna ng noontime show na “Eat Bulaga.”

KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw sa kilig: Bakit iconic at phenomenal ang KalyeSerye at AlDub?-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA