Handang arestuhin ng mga awtoridad si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sakaling mailabas na ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban sa kaniya, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG)Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules, Disyembre 3, 2025.
Sa panayam sa Balitanghali ng GTV, tinanong si Remulla tungkol sa magiging papel ng DILG sakaling maglabas ang ICC ng warrant of arrest para sa senador.
“Kung lumabas ang warrant of arrest at validated by the [Philippine Center on Transnational Crime] or [Department of Justice] or Interpol, eh ‘di aarestuhin namin siya,” pahayag ni Remulla.
Noong Nobyembre, humiling si Dela Rosa sa Supreme Court (SC) na maglabas ng temporary restraining order (TRO) para pigilan ang pamahalaan na ipatupad ang umano’y arrest warrant na inilabas ng ICC laban sa kanya.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla—na naglabas umano ang ICC ng warrant laban kay Dela Rosa at mayroon siyang hindi opisyal na kopya nito.
KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman Remulla sa ICC warrant of arrest kay Sen. Bato: 'Abangan. Be patient'
Sinabi naman ng Department of Justice (DOJ) na ipatutupad ng pamahalaan ang warrant sakaling opisyal itong ilabas ng ICC, at maaaring pagdesisyunan ng gobyerno kung ie-extradite o isusuko si Dela Rosa sa korte internasyonal.
Giit naman ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, walang legal na batayan ang gobyerno para isuko ang sinumang Pilipino sa isang international tribunal dahil wala umanong umiiral na panuntunan ukol dito.