January 04, 2026

Home BALITA

'Maliit ang mundo!' DILG Sec. Remulla, tiwalang mahahanap si Zaldy Co sa Portugal

'Maliit ang mundo!' DILG Sec. Remulla, tiwalang mahahanap si Zaldy Co sa Portugal
Photo courtesy: file photo

Kumbinsido si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na matatagpuan din nila si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.

Sa isang panayam nitong Miyerkules, Disyembre 3, 2025, iginiit ni Remulla na masyado raw maliit ang mundo para hindi nila matagpuan si Co, na pinaniniwalaang kasalukuyang nagtatago sa Portugal.

“Hindi ako nawawalan ng pag-asa kasi maliit ang mundo at lalong lumiliit ang mundo niya [Zaldy Co]. Puwede siyang magkamali. Puwede tayong suwertehin. Puwede tayong through negotiations, mapagbigyan tayo ng Portuguese Government,” saad ni Remulla.

Matatandaang kamakailan lang nang makiusap din si Remulla sa publiko hinggil sa pagpapakalat ng mga larawan ni Co sa social media mula umano Portugal.

Pwersahang pagtanggal sa lider ng isang bansa, ikinabahala ni Sen. Imee

“Nakikiusap kami sa lahat ng Pilipino sa buong mundo na na kung makikita nila si Zaldy Co, kung puwede nilang picturan, ipadala kaagad, i-post agad sa internet,” pagsisimula niya. 

“Para may ideya tayo kung nasaan siya,” paglilinaw pa niya. 

Ani Remulla, may hinala raw sila ngayon na sa bansang Portugal naninirahan si Co. 

“Sa ngayon, ang hinala namin ay nasa Portugal siya. Doon po siya naninirahan,” aniya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'I-post agad!' SILG Jonvic, nakiusap na ibalandra sa socmed si Zaldy Co 'pag naispatan

Si Zaldy Co ang isa sa mga opisyal na kinasuhan at kasalukuyang nagtatago bunsod ng pagkakaugnay sa maanomalyang flood control projects.