January 26, 2026

Home BALITA

'Magmanok na lang kayo!' DA Sec. Laurel, may suhestiyon sa pagmahal ng presyo ng galunggong

Hinimok ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang publiko na bumili na lamang muna ng manok sa halip na galunggong dahil sa mababang suplay na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng naturang isda.

Ipinaliwanag ni Tiu Laurel Jr. na ang kakulangan ng suplay ng galunggong ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo nito. 

“Kaunti lang daw ang pumapasok na galunggong ngayon kasi walang mabili sa sources. Talagang ang galunggong (prices) will remain high,” aniya.

Samantala, inaasahang bababa naman ang presyo ng mackerel (tulingan) kasunod ng pagdating ng 8,000 metric tons (MT) ng small pelagic fish na inangkat ng Department of Agriculture (DA).

Probinsya

4-anyos na bata, patay matapos lunurin ng sariling ina!

“The price of mackerel is expected to go down, lalo na papasok na 'yung importation,” ayon pa sa kalihim.

Giit pa ni Tiu, may mga likas naman daw na isda ang Pilipinas na mas mabababa ang presyo dahil hindi na kailangan angkatin.

“Of course meron pa tayong mga bangus, tilapia, 'wag po nating kalimutan 'yon, sariling atin 'yon,” saad ni Laurel.

Pahabol na rekomendasyon pa ni Laurel, “Wala talagang supply eh, limited talaga. I'm not saying bababa 'yan. I'm just being honest about it. Kung ganiyan kamahal, magmanok na lang kayo.”

Nauna nang inihayag ng DA ang plano nitong pahintulutan ang karagdagang pag-angkat ng 8,000 metric tons ng small pelagic fish na inaasahang darating sa unang bahagi ng Disyembre.

Batay sa price monitoring ng DA, ang presyo ng lokal na galunggong sa mga pamilihan sa Metro Manila ay nasa ₱347.13 kada kilo. Ang imported na galunggong naman ay nasa ₱310.42 kada kilo mula Nobyembre 24 hanggang 29, 2025.