Iginiit ni Senator Raffy Tulfo nitong Miyerkules, Disyembre 3, 2025, ang pagkakaroon ng mandatoryong driver’s license at rehistro para sa mga gumagamit ng e-trike, kasabay ng babala na ang kawalan ng malinaw na regulasyon sa mga ito.
Sa consultative meeting ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Tulfo na bagama’t may mga umiiral na patakaran na nag-e-exempt sa ilang light electric vehicles (LEVs) na ginagamit nang pribado at hindi sa mga highway, dapat pa ring hingan ng espesyal na driver’s license ang mga gumagamit ng e-trike sa secondary, local, at barangay roads na may regular na daloy ng trapiko.
“If it is for private use at hindi gagamitin sa highway, exempted sila sa pagpapa-register. However for me… as long as may traffic doon at may iba’t ibang klaseng vehicles, they must secure driver’s license. Maybe a special driver’s license for this sector, these e-bikes and e-trikes,” ayon kay Tulfo.
Binanggit niya na dahil hindi kailangan ng lisensya ng mga e-trike driver, hindi sila masita o maticketan ng mga enforcer, na nagreresulta umano sa patuloy na paglabag sa batas-trapiko.
“Pag nag-violate sila ng traffic laws natin, paano sila ticketan?… Eto sila mga e-trike… hindi nila alam ‘yung mga traffic laws and regulations,” aniya. “For me, siguro it's about time na sila’y obligahin magkaroon ng driver’s license.”
Nilinaw ni Tulfo na wala siyang isyu sa regular na e-bikes basta’t hindi ginagamit sa highway. Ang pangunahing ikinababahala niya ay ang e-trike dahil madalas umano itong nasasangkot sa mga aksidente.
Kinumpirma naman ni MMDA Traffic Enforcement Group Director III Atty. Victor Nuñez na may enforcement gaps dahil hindi maaaring habulin ang mga e-trike na nakikitang lumalabag sa CCTV, dahil karamihan ay hindi nakarehistro. Wala ring plaka o record kaya’t paulit-ulit na nakakakilos ang mga driver nang walang kaparusahan.
Binigyang-diin din ni Tulfo ang ilang programa ng lokal na pamahalaan na nagdi-distribute o nag-eendorso ng e-trike para sa kabuhayan, minsan nang walang koordinasyon sa mga pambansang ahensya sa transportasyon.
“May mga programa ang LGU na sila mismo ang nagpo-provide o nag-eendorso kung saan pwedeng bumili ng e-trike… tapos bibigyan nila permiso para makapagmaneho,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Pagpapabawal sa mga e-trike, e-bike sa nat'l roads ngayong Dec. 1 ipinagpaliban ng LTO