December 13, 2025

Home FEATURES Trending

'Libre-sakay' ng tatay na jeepney driver dahil sa anak na board passer, pinusuan

'Libre-sakay' ng tatay na jeepney driver dahil sa anak na board passer, pinusuan
Photo courtesy: Dave Recososa, Judy Tereso (FB)/via State of the Nation

Sa karaniwang umaga kung kailan nakahanda ka nang magbayad ng pamasahe, sino ang mag-aakalang ikaw pa ang “tatanggap” ng bayad?

Ito ang pambihirang tagpo sa mataong kalsada ng Roxas Boulevard Avenue sa Davao, nang salubungin ng "libre-sakay" ang mga pasahero ng isang jeepney; isang taos-pusong sorpresa mula kay Edwin Recososa, beteranong drayber na halos 35 taon nang bumibiyahe, noong Disyembre 1.

Hindi napigilan ng mga pasahero ang kanilang damdamin nang makita ang karatula sa loob ng sinakyang jeepney, dahil sa mababasang abisong libre na ang pamasahe nila dahil sa pagkakapasa ng anak na civil engineer sa board exam.

Mababasa sa karatula, "Libre lang po ang sakay ngayon bilang pasasalamat dahil pumasa po ang aking anak sa Board Exam bilang Civil Engineer."

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Kaya naman, isa sa mga pasaherong nabagbag ang damdamin dito, na nagngangalang Judy Tereso, ang nag-share nito sa social media, na siya namang nagpa-viral.

Ang dahilan ng kaniyang kabutihang-loob ay simple ngunit tumatagos sa puso: pasasalamat para sa tagumpay ng kaniyang anak na si Dave, na pumasa sa November 2025 Civil Engineer Licensure Examination.

Para kay Mang Edwin, hindi lamang ito pagdiriwang; ito ang katuparan ng pangakong matagal na niyang iningatan.

Sa panayam ng "State of the Nation" ng GMA News, sinabi ni Mang Edwin na minsan na siyang nangarap na maging inhinyero, ngunit ang kahirapan ang nagpilit sa kaniyang isantabi ang pangarap. Kaya naman, ibinuhos na lamang daw niya ang pera at effort para kay Dave, na tila siyang nagpatuloy sa ambisyong matagal na niyang ibinaon sa limot.

Ayon naman kay Dave, hindi niya inasahang ipagdiriwang ng kaniyang ama sa ganoong paraan ang kaniyang tagumpay. Ngunit para sa mga nakakakilala kay Mang Edwin, hindi na ito nakapagtataka, dahil isa siyang tatahi-tahimik na amang araw-araw nagsasakripisyo, kumakayod, at unti-unting inilalapit ang anak sa pangarap na siya mismong iniwan.

Sa araw ng libre-sakay, tila hindi lamang pamasahe ang inilibre ni Mang Edwin sa kaniyang mga pasahero.

Ipinadama niya ang lalim ng kaniyang pasasalamat at ang saya ng isang pangarap na sa wakas ay nagkaroon ng katuparan, hindi man sa kaniya, kundi sa anak na minahal niyang lampas sa sarili.

Congratulations, Dave at Mang Edwin!