December 13, 2025

Home SPORTS

Lalaking pumasok sa kulungan ng leon, patay matapos lapain

Lalaking pumasok sa kulungan ng leon, patay matapos lapain

Patay ang isang 19 na taong gulang na lalaki matapos pasukin ang kulungan ng isang babaeng leon sa loob ng isang zoo.

Ayon sa mga ulat, inakyat ng biktima ang anim-na-metong pader, nilampasan ang safety fencing, at bumaba sa isang puno papasok sa kulungan ng hayop.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad na kusang-loob na inakyat at pinasok ng biktima ang kulungan ng leon sa isang Zoobotanical Park sa Brazil.

Ayon sa pamahalaang lokal ng lungsod ng Joao Pessoa, sinadya umano ng kabataang lalaki — kinilalang si Gerson de Melo Machado, 19, ayon sa ulat ng lokal na media — ang pagpasok sa kulungan ng leoness sa Arruda Camara Zoobotanical Park.

Ranking ng Pilipinas, patuloy pagratsada sa 33rd SEA GAMES 2025

Makikita sa kumalat na mga video ang leoness na si Leona na nakahiga malapit sa salaming naghihiwalay sa kaniya at sa mga bisita na napasigaw nang makita ang binatilyo habang pababa ito ng puno.

Agad na natanaw ng leon ang binatilyo at mabilis na tumakbo papunta sa puno, hinila siya pababa, at sinakmal. Makikitang yumanig pa umano ang puno at nagawa pang makatayo ang binatilyo bago tuluyang mawala sa paningin.

Kinumpirma ng pamahalaang lokal na si Machado ay “namatay dahil sa mga pinsalang dulot ng hayop.”

Sa isang pahayag sa Instagram, sinabi ng zoo na ikinalungkot nila ang insidente at pansamantala silang nagsara habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. 

Sa hiwalay na post, iginiit ng pamunuan ng parke na “hindi kailanman isinasaalang-alang” ang euthanasia para kay Leona, na hindi nagpapakita ng agresibong asal na puwedeng iugnay sa  insidente.

Ayon pa sa pamahalaan, hindi nila inaalis sa imbestigasyon na maaaring tangkang pagpapakamatay ang ginawa ng biktima.

Samantala, sinabi ng child protection counselor na si Veronica Oliveira sa isang video sa Instagram na walong taon niyang sinamahan at sinubaybayan ang biktima habang “dumaan ito sa lahat ng institutional care sa lungsod.” 

Dagdag pa niya, may schizophrenia umano ang ina at mga lolo’t lola ng binatilyo, ngunit ayon sa mga psychiatrist ng estado, “problema sa pag-uugali lamang” ang nakita sa kaniya.