Natanong ang Kapamilya TV host na si Luis Manzano kung may balak pa ulit siyang subuking pasukin ang mundo ng public service, matapos kumandidato noong national and local elections (NLE) bandang Mayo.
Matatandaang si Luis ay runningmate ng kaniyang inang si Batangas governor Vilma Santos-Recto, subalit hindi pinalad na manalo.
Ayon kay Luis, wala na raw siyang balak na muling tumakbo sa mga susunod pang halalan.
Aniya, muli raw niyang nahanap ang "niche" o specialty niya matapos ang nangyaring pagkatalo.
"Sa akin I found my niche once again," ani Luis.
Nauunawaan daw ni Luis na may mga brands at endorsement na hindi na nag-renew nang sumabak siya sa politika, na bago para sa kaniya, pero pagkatapos naman nito, nagkaroon naman din ng blessings ulit at renewal of contracts sa iba pa.
Sa ngayon, magpopokus daw muna si Luis sa trabaho niya gayundin sa pamilya nila ng misis na si Jessy Mendiola.
"Ayoko na sayangin din 'yon, that opportunities, because not everyone is given a second chance na manumbalik sa industriya," aniya.
Nagpasalamat naman si Luis sa mga brands na patuloy na nagpapakita ng tiwala sa kaniya para kunin siyang endorser.
Balik-TV hosting naman si Luis sa ABS-CBN para sa game show na "Rainbow Rumble" at sinasabing naghahanda na rin sa muling pagbabalik ng "Kapamilya Deal or No Deal."
Bumalik din si Luis bilang host ng "Pinoy Big Brother" para sa second edition ng celebrity collab.
Kaugnay na Balita: Luis Manzano, nagbalik bilang host ng PBB: Celebrity Collab Edition 2.0