Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Sen. Robin Padilla sa desisyong patawan ng anim (6) na buwang suspensyon si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ng House of Representatives Ethics Committee dahil sa umano’y matitinding pahayag laban sa administrasyon.
Ayon kay Padilla, na ibinahagi ng partidong PDP-Laban, hindi umano “makatarungan” ang naturang parusa, lalo’t nakaugat lamang aniya ang mga pahayag ni Barzaga sa pagtalakay ng kakulangan at kalabisan sa hanay ng gobyerno, kabilang na ang mga ahensiya at institusyong kinabibilangan ng mga mambabatas.
“Suspended si Congressman Barzaga dahil sa kaniyang mga nasabi patungkol sa kakulangan at kalabisan ng gobyerno na kinabibilangan namin, pati na rin sa makabagong mga suhestiyon para sa ikauunlad ng bansa," pahayag ni Padilla.
Binigyang-diin pa ng senador na ang ganitong hakbang ng Kamara ay maaaring magdulot ng pangamba sa iba pang mambabatas na nagnanais magpahayag ng kritisismo o magmungkahi ng reporma, lalo na kung taliwas ito sa posisyon ng House leadership.
Giit pa umano ni Padilla, mahalagang mapanatili ang isang kapaligirang bukas sa talakayan at kritisismo upang higit na mapaunlad ang pambansang pamamahala.
Umabot sa 249 kongresista ang bumoto pabor sa suspensiyon, habang 11 ang nag-abstain at 5 ang kumontra.
Nagsimula ang reklamo nang maghain ng ethics complaint laban sa batang mambabatas ang ilang miyembro ng National Unity Party (NUP).
Ayon sa komite, ang mga ginawa ni Barzaga ay “imposing incendiary social media contents on his Facebook accounts and retaining and failing to remove publicly-viewable inappropriate and indecent photos to be unparliamentary and unbecoming of a House member."
"His actions reflected negatively upon the dignity, integrity, and reputation of the House of Representatives as an institution of the members of the House individually and collectively,” saad ni Abalos, sa binasang desisyon sa plenaryo, na may 27 bilang ng pahina.
“Respondent’s reckless, offensive, and irresponsible use of his social media platform tarnishes the name, integrity, and reputation of the House of Representatives,” dagdag pa.
Kaugnay na Balita: 'Guilty sa ethics complaint!' Kiko Barzaga, 60 araw suspendido, wala ring suweldo
Depensa naman ni Barzaga, tinatanggap niya ang desisyon ng Kamara subalit naninindigan pa ring dapat magbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Sa isang panayam ng TV program, sinabi ni Barzaga na marami sa mga kasamahang solon ang may kuwestyonableng relasyon o pagkakaroon ng "kabit" subalit hindi naman napapatawan ng ethics complaint.
Kaugnay na Balita: Banat ni Barzaga: Maraming congressman may kabit, 'di na-eethics complaint!