Patay ang isang lalaki matapos barilin ng improvised firearm o “sumpak” ng lalaking sinisingil niya umano ng utang sa Mariveles, Bataan.
Nangyari ang insidente sa Barangay Camaya at nag-ugat umano sa simpleng paniningil ng biktimang 44 anyos sa halagang ₱150 na utang ng suspek. Sa halip na magbayad, nauwi ang situwasyon sa pagtatalo at kalaunan ay sa pamamaril.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pinuntahan ng biktima ang bahay ng suspek upang singilin ang maliit na halaga. Subalit nagkaroon ng mainitang argumento hanggang sa kumuha ng sumpak ang suspek at binaril ang biktima.
“According sa witness… may narinig po siya na sudden burst ng firearm. Paglabas po niya, yung kapatid niya, improvise firearm po yung boga. And from there po nakita po yung victim na nakahandusay po sa daan,” ayon kay Police Lt. Col. Mar Joseph Ravelo, hepe ng Mariveles Police.
Agad namang dinala ang biktima sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala.
Dagdag pa ni Ravelo, “Nagkaroon po ng heated argument, nagkaroon ng altercation… may small amount of money na dinedemand po ng victim. According sa witness, ₱150 daw po.”