December 13, 2025

Home BALITA National

SP Sotto sa isyung 'No Work, No Pay' ng mga mambabatas: 'Hainan ng ethics complaints nang maaksyunan'

SP Sotto sa isyung 'No Work, No Pay' ng mga mambabatas: 'Hainan ng ethics complaints nang maaksyunan'
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Nagbigay ng komento si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mas maganda raw na hainan ng ethics complaint ang mga legislator na lumiliban sa trabaho sa kabila ng tuloy-tuloy na pagsuweldo ng mga ito.

Ayon sa naging ambush interview ng media kay Sotto nitong Martes, Disyembre 2, sinabi niyang wala raw regulasyon sa Senado at maging sa Konstitusyon kaugnay sa “No Work, No Pay’ ng mga mambabatas. 

“Walang ganoong rules sa mga legislator and any of our rules or even in the constitution,” pagsisimula niya. 

Pagmumungkahi ni Sotto, mas maganda raw na hainan ng ethics complaint ang mga mambabatas para maaksyunan nila ang matagal na pagliban ng mga ito sa kanilang trabaho. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Siguro kung mayroong mga kababayan tayo na gustong tanungin at saka let’s say na gustong panagutin ang isang legislator, mag-file sila ng ethics complaint,” aniya.

Dagdag pa niya, “‘Yon ang pinakamagandang remedios para matalakay natin ‘yon.” 

Pagpapatuloy pa ni Sotto, duda umano siyang makapagpasa sila ng batas na magtitigil ng suweldo ng mga mambabatas sa Kamara at Senado. 

“It doesn’t necessarily have for us to come out and… our rules and say something like that. I doubt if we can pass a rule like that even in the House [of the Representative] at saka dito sa amin [Senado],” giit niya. 

“Kasi it never mean that way even in the other Congresses ganoon talaga, e. pinakamaganda, mag-file na lang sila ng complaint,” pagtatapos pa ni Sotto. 

Matatandaang sinabi ni Sen. Win Gatchalian na hindi raw sakop ang mga senador ng “No Work, No Pay” sa naging panayam sa kaniya ng "Tandem ng Bayan" ng DZMM noong  Lunes, Disyembre 1, 2025. 

Nauntag kasi nina Doris Bigornia at Robert Mano si Gatchalian tungkol sa nangyaring senate plenary debates sa budget ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, bilang siya ang chair ng senate committee on finance.

Sumulpot sa panayam ang pagiging absent ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa mula pa sa kalagitnaan ng Nobyembre, at natanong si Gatchalian kung ano raw ba ang ipinadalang "excuse letter" ng senador sa kaniyang pagliban nang matagal. 

MAKI-BALITA: Bato, halos 1 buwang absent! Gatchalian nausisa kung 'no work, no pay' rin mga senador

Si Dela Rosa ay nagsimulang lumiban sa mga sesyon sa Senado nang sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla na may warrant of arrest na raw ang International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.

Mc Vincent Mirabuna/Balita