Nilinaw ng Palasyo na hindi pa rin daw nakalalabas ng bansa ang “puganteng” si Cassandra Ong base sa pagsisiyasat nila sa imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kinaroroonan nito.
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Martes, Disyembre 2, sinabi niyang lumapit na rin daw sila sa DILG para malaman ang kasalukuyang tala nito sa paghahanap nila kay Ong.
“Actually humingi po tayo ng response mula sa DILG at ang sabi po sa kasalukuyan, base sa kanilang record, nasa Pilipinas pa po si Miss Cassandra Ong,” paglilinaw ni Castro.
Ani Castro, hindi pa rin tumitigil ang mga awtoridad kay Ong sapagkat maituturing na itong “fugitive” dahil sa warrant of arrest laban sa kaniya.
“Patuloy pa rin po ang paghahanap sa kaniya dahil nga siya po ay tinatawag na fugitive dahil may warrant of arrest na po,” aniya.
Nagawa ring humingi ng tulong ni Castro sa publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad sakali mang mamataan nila si Ong.
“Kung sino man din po sa mga kababayan natin ang makakakita kay Cassandra Ong, ipagbigay-alam din po agad sa ating law enforcement agencies para magampanan din po ang pagse-serve ng warrant of arrest sa kaniya,” saad niya.
Sumang-ayon din si Castro na tila kagaya ng paghingi nila ng tulong ang ginawa na rin ni DILG Sec. Jonvic Remulla kaugnay sa pagtugis kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Paliwanag ni Castro, makakatulong daw ang anomang paraan na gagawin ng publiko sakali mang magkataong makita nila si Ong.
“Sa lahat ng mga pagkakataon, sa lahat ng maaaring gawing paraan, maliit [o] malaki na tulong, makakatulong po ‘yan sa gobyerno para mahanap ang mga fugitives,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang inihayag ni Sen. Win Gatchalian na matagal na raw hindi nakakulong si Cassandra Ong—isa sa mga personalidad na nauugnay sa ilegal na operasyon noon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
MAKI-BALITA: ‘At large na!’ Cassandra Ong, kumpirmadong wala na sa kulungan!—Sen. Gatchalian
Dahil dito, inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na handa umano silang magbigay ng ₱1 milyong pabuya sa makakapagbigay ng “credible” at “actionable” na impormasyong tungkol sa kinaroroonan ni Ong.
MAKI-BALITA: DOJ, handang magbigay ng ₱1M pabuya sa makakakapagturo kay Cassandra Ong
“Ang [DOJ] formally announcing... ₱1 million reward for credible, actionable information that will directly lead to the lawful discovery, location and subsequent arrest by authorized law enforcement agent of Cassandra Li Ong, who is presently the subject of ongoing criminal proceedings before the Regional Trial Court of Pasig City,” ayon kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida noong Nobyembre 25, 2025.
Bukod pa rito, matatandaan ding opisyal nang kinansela ng Pasig City Regional Trial Court ang pasaporte ni Ong, kasama sina dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, mga ehekutibo ng Technology Resource Center na sina Dennis Cunanan, Ronelyn Baterna, at Mercides Macabasa noong Lunes, Nobyembre 24, 2025.
MAKI-BALITA: Harry Roque sa pagkansela ng Korte sa kaniyang pasaporte: 'Iyan ay panggigipit sa akin'
Nahaharap umano ang mga nabanggit na indibidwal sa kasong human trafficking na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hub Lucky South 99 at Whirlwind Corporation.
Mc Vincent Mirabuna/Balita