Nasa recovery mode na ang Pinay domestic helper (DH) na si Rhodora Alcaraz matapos niyang suungin ang makapal na usok mula sa naging malaking sunog sa Wang Fuk Court, Hong Kong, kamakailan.
“We are thankful for the successful medical procedure for our national who was initially in critical stages, [and] brought to the ICU. But with the successful medical procedure, should I say, an innovative one, she has been saved, and is on recovery mode,” saad ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Cacdac sa kaniyang joint press briefing nitong Martes, Disyembre 2, kasama ang kinatawan ng Hong Kong Labor and Welfare Bureau na si Chris Sun Yuk-han.
Binanggit din niya na nakaantabay sila sa patuloy na paggaling ni Alcaraz para muli na itong makauwi sa Pilipinas at makasama ang pamilya nito.
Sa social media naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), makikitang personal na personal na binisita ni Cacdac si Alcaraz kasama ang ilan pang opisyales ng ahensya.
Sa pagdalaw nilang ito, tiniyak ng OWWA kay Alcaraz na patuloy siya bibigyan ng mga kinakailangan niyang tulong, kabilang ang suporta para sa kapatid niyang kasalukuyang nasa kolehiyo.
Binanggit din ng ahensya na sa patuloy na gamutan, unti-unti ring nakikitaan ng pagbuti ng kondisyon si Alcaraz.
Sa kaugnay na ulat, hinangaan ng kapwa OFWs si Alcaraz matapos niyang suungin ang malaking sunog sa kanilang apartment unit sa Tai Po district, habang yakap ang alagang tatlong buwan na sanggol sa kaniyang bisig.
MAKI-BALITA: OFW sa Hong Kong kinilala sa katapangan, niligtas alagang sanggol sa sunog
Sa kasalukuyang update ng Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong, kinumpirma nila na 92 OFWs na ang kasalukuyang ligtas matapos ang nasabing sunog.
Dalawa rito ay natagpuan na at naiulat nang nakauwi sa Pilipinas, habang isa naman ay nasawi.
MAKI-BALITA: Konsulado, kinumpirmang ligtas na 92 OFWs matapos ang malaking sunog sa HK
Sean Antonio/BALITA