Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) ang anunsyo at desisyon ng Malacañang hinggil sa dismissal ng isang Schools Division Superintendent ng MIMAROPA mula sa serbisyo nito.
Kaugnay ito sa pagkakasangkot ng naturang opisyal ng kagawaran sa “items-for-sale scheme,” kung saan ipinagbibili ang “approval of appointments” at promosyon sa iba’t ibang posisyon.
Sa ibinahaging social media post ng DepEd nitong Martes, Disyembre 2, mababasa na kasama sa nasabing dismissal ang kanselasyon sa “eligibility” ng opisyal, forfeiture ng kaniyang “retirement benefits,” at iba pa.
“PABATID SA PUBLIKO. Ibinaba na ng Malacañang ang desisyon na i-dismiss ang isang Schools Division Superintendent ng MIMAROPA mula sa serbisyo, kasama ang cancellation of eligibility, forfeiture of retirement benefits, at perpetual disqualification from government employment,” panimula ng DepEd.
“Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hindi palalampasin ang sinumang nang-aabuso sa sistema. Sa liderato ni Secretary Sonny Angara, hindi titigil ang DepEd hangga’t hindi napapanagot ang sinumang nagpapatakbo ng korapsyon sa loob ng serbisyo publiko,” saad pa nito.
Binigyang-diin din ng kagawaran ang sunod-sunod na reklamong natanggap nila patungkol sa isyu, na napatunayan nila sa tulong ng mga ebidensya at testimonya.
“Matapos ang sunod-sunod na reklamo, ebidensya, at testimonya, napatunayang sangkot ang isang opisyal ng DepEd sa items-for-sale scheme,” anila.
“Batay sa desisyon, nakitaan ang kaniyang mga aksyon ng ‘Dishonesty, Grave Misconduct and Oppression, Receiving for Personal Use of a Fee or Gift, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service’,” pagtatapos ng DepEd.
Photo courtesy: DepEd Philippines/FB
Matatandaang bago magbaba ng desisyon ang Palasyo hinggil sa isyu, nauna nang ipinanawagan ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa DepEd ang isang imbestigasyon patungkol sa mga alegasyong ito.
“This is a matter of justice and fairness. Positions in government should be earned through merit and competence, not purchased,” saad ng National Chairperson ng TDC na si Benjo Basas sa isang pahayag.
Vincent Gutierrez/BALITA