Iginiit ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na marami rin daw naman ang hindi pumapasok noon na congressman sa Kamara at tuloy-tuloy ang suweldo ng mga ito ngunit bakit tila ang Senado raw ang napag-iinitan ngayon ng publiko.
Ayon sa naging ambush interview ng media kay Sotto nitong Martes, Disyembre 2, sinabi niyang mayroon din daw noong lumiliban sa Kamara ng aabot sa isang taon at tuloy-tuloy pa rin ang suweldo.
“Sa Congress nga mayroong isang buong taon [na] hindi pumapasok, wala rin naman silang ginagawa, wala rin naman angal,” giit niya.
Pagkukumpara pa ni Sotto, “Ito [si Sen. Bato], two (2) to three (3) weeks pa lang.”
Kinumpirma rin ni Sotto na tuloy-tuloy pa rin ang pagsuweldo ni Dela Rosa sa kabila ng mahigit isang buwan na nitong hindi pagpapakita sa Senado.
Ani Sotto, kumikilos pa rin naman umano ang opisina at mga empleyado ni Dela Rosa kahit hindi ito pumapasok.
“Nagpa-function naman [ang opisina], mga empleyado niya, lahat. Nag-aaral din ng mga bills and all,” aniya.
Pagpapatuloy pa ni Sotto, marami rin daw na mga congressman ang hindi noon pumapasok sa Kamara ngunit hindi bakit hindi iyon kinuwestiyon ng publiko.
“Napakaraming congressman ang ginagawa ‘yan dati ba’t hindi n’yo kinukuwestiyon?” tanong niya.
Pahabol pa niya, “Bakit ngayon ang Senate ang napag-iinitan sa dalawa (2), tatlong (3) Linggong hindi pumasok [ni Sen. Bato]?”
Binalikan din ni Sotto ang tuloy-tuloy na pagsuweldo din noon ng mga dating senador na sina ex-Sen. Leila De Lima at ex-Sen. Antonio Trillanes kahit matagal na nasa loob ng piitan.
“Ganoon talaga. Kahit noon si Sen. De Lima, Sen. Trillanes, nakakulong. Talagang, ‘ika nga, tuloy pa rin ‘yong function ng opisina nila,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nilinaw rin niyang walang personal na abiso si Dela Rosa sa kaniya tungkol sa mga pagliban nito sa Senado.
MAKI-BALITA: SP Sotto sa isyung 'No Work, No Pay' ng mga mambabatas: 'Hainan ng ethics complaints nang maaksyunan'
MAKI-BALITA: Bato, halos 1 buwang absent! Gatchalian nausisa kung 'no work, no pay' rin mga senador
Mc Vincent Mirabuna/Balita