Pinabulaanan ni Laguna 4th District Rep. Benjamin Agarao ang pagkakaroon niya ng business relation sa sa kontrobersiyal na mag-asawang sina Curlee at Sarah Discaya.
Sa pagharap kasi ni Agarao sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Martes, Disyembre 2, itinanong ni ICI Commissioner Rogelio Singson kay Agarao ang tungkol dito.
“Mayroon ho ba kayong in the past dealings with the Discaya couple or any of their companies?” tanong ni Singson.
Sagot ni Agarao, “Wala po, Your Honor.”
“Siguraduhin ho natin, Congressman,” sundot pa ng ICI commissioner, “dahil alam natin napakarami ring korporasyon na hawak sila.”
Pero giit ng kongresista, “Kung tungkol po sa flood control, wala po akong natatandaan. Kasi bilang congressman po, ang interes ko lang po [ay] ‘yong mga local projects namin.
Sa katunayan, ayon kay Agarao, nagulat umano siya sa pagkakadawit sa isyu ng maanomalyang flood control projects.
“Noon pong 2022 hanggang 2025, hindi po ako nakaupong congressman noon. Hindi ko po personal na kilala ‘yong mag-asawang Discaya. At wala po akong matandaan na transaksyon sa kanila,” dugtong pa niya.
Matatandaang kabilang si Agarao sa mga pinangalanan ng lalaking Discaya na tumanggap umano ng porsiyento mula sa kanilang mga proyekto.
Ngunit nauna na rin itong pabulaanan ng kongresista noong Setyembre at sinabing wala raw proyekto ang mga Discaya sa kaniyang distrito.