Usap-usapan ang naging sagot ni Laguna 4th District Rep. Benjamin Agarao matapos niyang tumangging isuko sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kaniyang cellphone upang masiyasat ang phone records niya, upang matiyak na wala siyang kumbersasyon sa mag-asawang contractors na Curlee at Sarah Discaya.
Sa kauna-unahang livestream ng imbestigasyon ng ICI nitong Martes, Disyembre 2, na may kinalaman pa rin sa maanomalyang flood control projects, natanong ang mambabatas ni retired Supreme Court (SC) Associate Justice Andres Reyes Jr. kung willing o handa ba siyang isurender sa ICI ang kaniyang cellphone para masiyasat ang phone records nito.
Isa si Agarao sa mga mga solon na nabanggit ng mag-asawa na umano'y nakatanggap ng kickback mula sa nabanggit na maanomalyang proyekto.
Sagot ni Agarao, "Your honor, hindi po... ang cellphone ko po ay dalawa lang po. 'Yon pong bago kong cellphone, sa Viber lang po namin sa partido, saka po sa CA."
Ipinakita naman ni Agarao ang kaniyang hawak na cellphone.
"Ito lang po ang aking cellphone, eh may mga ibang detalye po ito na hindi ko po pupuwedeng... baka po magalit ang asawa ko," nangingiting sagot ng solon.
Sagot naman ni Reyes, "Kaya ayaw namin ng livestream, naririnig ng mga tao."
Segunda pa ni Reyes, tinatanong lamang daw niya sa mambabatas kung willing bang isurender ni Agarao ang cellphone niya, na may kinalaman pa rin sa imbestigasyon.
Humingi naman siya ng pasensya sa mambabatas kung bakit natanong pa niya ang bagay na iyon.
"Opo, may mga bagay po sa cellphone ko na wala naman pong kaugnayan..." saad pa ni Agarao.