Umalingawngaw ang reklamo ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga matapos siyang patawan ng 60-araw na suspensyon dahil sa ethics complaint ng Kamara laban sa kaniya, habang mas mabibigat umanong eskandalo ng ibang mambabatas ay nananatiling hindi sinisita ng Ethics Committee.
Sa panayam ng isang TV program, diretsong pinuna ni Barzaga ang umano’y hindi patas na pagpapatupad ng disiplina sa Kamara.
Aniya, may mga kapwa kongresistang nasasangkot pa sa mga isyung may kinalaman sa relasyon at personal na buhay, pero tila walang kaso o imbestigasyong sumusunod.
"Yung ibang congressman nga, nahuhuling may kabit pero ’di sila na-eethics complaint eh," aniya.
Sa plenary session noong Lunes, Disyembre 1, binasa ni 4Ps Rep. JC Abalos ang findings ng komite na nagsasabing nagkasala si Barzaga ng disorderly behavior dahil sa umano’y hindi angkop at bastos na mga post at larawan sa kaniyang social media accounts.
Umabot sa 249 kongresista ang bumoto pabor sa suspensiyon, habang 11 ang nag-abstain at 5 ang kumontra. Nagsimula ang reklamo nang maghain ng ethics complaint laban sa batang mambabatas ang ilang miyembro ng National Unity Party (NUP).
Ayon sa komite, ang mga ginawa ni Barzaga ay “imposing incendiary social media contents on his Facebook accounts and retaining and failing to remove publicly-viewable inappropriate and indecent photos to be unparliamentary and unbecoming of a House member."
Inutusan din ng Kamara si Barzaga na burahin ang lahat ng 24 kontrobersiyal na posts sa loob ng 24 oras.
Nagbabala pa ang ethics committee na mas mabigat na parusa ang kahihinatnan sakaling maulit ang kaparehong asal.
Samantala, iginiit ni Barzaga na handa siyang tumanggap ng anumang desisyon, pero nanindigang hindi niya sinuway ang code of conduct ng Kamara.
Tinatanggap niya umano ang hatol sa kaniya subalit ipinaggiitan niyang kailangan daw bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Kaugnay na Balita: 'Guilty sa ethics complaint!' Kiko Barzaga, 60 araw suspendido, wala ring suweldo
Habang nagsasalita ay napaulat na pinatayan din ng mikropono ang mambabatas.