Plano umanong baguhin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang polisiya tungkol sa Conflict Disability Discharge (CDD) sa hukbong sandatahan ng mga militar para sa mga nasaktan na sundalo sa gitna ng kanilang paglilingkod sa bayan.
Ayon sa bagong video statement ng Pangulo sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Disyembre 1, ibinahagi niya ang umano’y napanood niyang video tungkol kay Capt. Jerome Jacuba na nabulag nang masabugan ng bomba habang naka-duty.
“Ito po ay tungkol sa isang magiting na sundalo po natin na si Captain Jerome Jacuba… Philippine Army,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kung nakita n’yo po ang ating butihing Kapitan ay nabulag dahil nasabugan po ng bomba [habang] nagdu-duty siya at ito ‘yong nangyari sa kaniya.”
Ani PBBM, nabigyan daw ng CDD si Jacuba dahil sa natamong pagkabulag sa insidente sa gitna ng pagsisilbi niya para sa bayan at hindi raw tama ang ganoong sinapit ng Kapitan.
“Nabigyan siya ng tinatawag na CDD or Conflict Disability Discharge, ibig sabihin, hindi na siya puwede sa military dahil nga hindi na siya puwede sa combat operation at nabulag na nga siya,” aniya.
“Nakita ‘yong video pinag-isipan ‘yong nangyari pero parang hindi tama. Dahil ito ay isang opisyal na itinaya na nga niya ang buhay niya para sa duty niya para ipagtanggol ang Pilipinas. Dahil sa ganiyan ay basta bibitawan na lang natin. Parang hindi naman yata makatarungan ‘yan,” pagdidiin pa niya.
Pagpapatuloy pa ni PBBM, inutusan daw niya ag Chief of Staff na pawalan ng bisa ang CDD ni Jacuba at i-promote na maging Major.
“Binigyan ko ng instruction ang ating Chief of Staff na isuspinde na ‘yong CDD ni Captain Jacuba. Bukod pa doon ay dapat bigyan siya ng promotion dahil sa katapangan niya at gawin na siyang major,” pagbaahagi niya.
Dagdag pa niya, kahit daw nabulag ang isang sundalo, tiyak na marami pa ring puwesto para sa kanila upang makapagpatuloy sa serbisyo.
“Maghanap tayo ng iba’t ibang posisyon na puwede pa naman siya. ‘Yong ating mga tinatawag na major adaptive duties. Kasi medyo nabulag na po, marami pa ring duty na puwedeng gawin ng isang sundalo,” saad niya.
Inutos din daw niya kay Department of National Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro na pag-aralan ulit ang CDD policy para hindi na mangyari sa iba pang sundalo ang sinapit ni Jacuba.
“Ininstruction ko rin ang ating Secretary of National Defense na pag-aralan ulit itong polisiya natin para hindi naman mangyari ulit ito na ang isang sundalo natin na nasaktan dahil sa sakripisyo niya, dahil ginagawa niya ang duty niya para ipagtanggol ang Pilipinas, kapag nasaktan basta bibitawan na lang natin,” paliwanag niya.
“Hindi naman tama ‘yon kaya’t gagawa tayo ng bagong polisiya sa CDD sa lalo’t madaling panahon,” paglilinaw pa niya.
Para umano sa Pangulo, dapat na patuloy kilalanin ang kakayahan ng isang sundalo kahit magka-injury man ito sa gitna ng kaniyang pagsisilbi para sa bayan.
“Ito ay para sa lahat ng ating mga sundalo na dahil sa duty nila sila ay nasaktan. Sila ay nagka-injury ay dapat naman ipagpatuloy din ang ating pagkilala sa kanilang katapangan at sa kanilang sakripisyo,” pagtatapos pa ni PBBM.
MAKI-BALITA: ‘Your loyalty should be to the republic!’ PBBM, pinaalalahanan hukbong sandatahan sa obligasyon nila
MAKI-BALITA: Pangako ni PBBM: ‘This government remains committed to building a modern, professional armed force!
Mc Vincent Mirabuna/Balita