Muling nagpaalala si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko kaugnay sa bandalismong isinagawa ng mga nakiisa sa kilos-protestang ikinasa ng mga progresibong grupo sa lungsod Maynila noong Linggo, Nobyembre 30, 2025.
Ayon sa ibinahaging post ni Moreno sa kaniyang Facebook account nitong Lunes, Disyembre 1, makikita ang mga larawan ng muling pagpipintura ng mga kawani ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) sa ilang parte sa kahabaan ng kalsada sa may Manila City Hall Underpass.
Ani Moreno, malaya raw ang magpahayag ngunit huwag sanang babuyin ng mga raliyista ang lungsod.
“Paulit-ulit na paalala: malaya ang magpahayag, pero huwag babuyin ang ating lungsod. Sa kabila nito, may mga nag-vandal pa rin sa mga pader sa kahabaan ng Padre Burgos Street,” pagsisimula niya sa caption ng natura niyang post.
Dagdag pa niya, “perang dapat para sa serbisyo publiko, mapupunta na naman sa paglilinis ng kalat nila.”
Pagtataka pa ng Alkalde, bakit daw tila ang mga progresibong grupo rin ang nag-aaksaya ng pondong ipinanawagan nilang gamitin nang tama.
“Nakakapagtaka: nagpoprotesta para sa tamang paggamit ng pondo, pero sila rin ang dahilan ng pag-aaksaya nito,” aniya.
Samantala, pinasalamatan naman ng Alkalde ang mga kawani ng DEPW sa pagpipintura ng mga sinulat ng mga raliyista sa mga naturang pampublikong lugar.
“Agad namang inayos ito ng ating mga kawani sa Department of Engineering and Public Works (DEPW) ang mga na-vandal na pader,” giit niya.
“Maraming salamat sa sipag at dedikasyon ng DEPW sa pangangalaga ng ating pampublikong espasyo,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang ikinasa ng iba’t ibang mga grupo ang nakatakda na nilang Baha sa Luneta 2.0 na kilos protesta noong Linggo, Nobyembre 30, 2025, sa Luneta Park.
Bukod dito, nagkasa rin ng malawakang kilos-protesta na Trillion Peso March Movement ang iba’t ibang mga grupo sa mula EDSA Shrine hanggang EDSA People Power Monument sa Quezon City noon ding Linggo.
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Malawak na alyansa ng oposisyon vs VP Sara sa 2028 elections, posible nga ba?
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: PLM, ipinanawagan pagtaas ng sahod, aksyong mabilis sa flood control scam
Mc Vincent Mirabuna/Balita