Isa-isang ibinida ni Vice President Sara Duterte sa isang year-end report ang accomplishments ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2025.
Sa ibinahaging social media post ni VP Sara nitong Lunes, Disyembre 1, mapapanood na ipinagmalaki niya ang mga ayudang naipamahagi ng OVP sa mga nagdaang bagyo, kampanya para sa kapaligiran, edukasyon, at iba pa.
“MEDICAL AND BURIAL ASSISTANCE. Nananatiling bukas ang ating assistance windows nitong taong 2025. Nakapagbigay tayo ng tulong sa 4,643 na Pilipinong may karamdaman. At nakatulong ang ating Burial Assistance sa 1,377 beneficiaries. Ito ang pruweba na kung may puso at paninindigan para maglingkod, laging may paraan para tulungan ang ating mga kababayan,” saad ni VP Sara.
Ibinahagi niya rin ang pagresponde ng kaniyang opisina para sa mga Pilipinong sinalanta ng iba’t ibang kalamidad, at ang adkihain niya para sa pagsasaayos ng kapaligiran at edukasyon.
“DISASTER RELIEF AND RELIEF FOR INDIVIDUALS IN CRISES AND EMERGENCIES PROGRAM. Ang OVP ay laging handa sa panahon ng krisis. Ang ating Disaster Operations Center ay patuloy na naghahatid ng agarang tulong. Sa kabuuan, umabot sa 73,054 na pamilyang Pilipino na naapektuhan ng kalamidad ang ating natulungan, kabilang dito ang 9,129 na pamilyang nakatanggap ng donated items. As part of our rapid response to the 6.9 magnitude earthquake in Cebu and the Mt. Kanlaon eruption, OVP distributed 2,514 bags of 25-kilo rice,” aniya.
“Ngayong taon, nalampasan na natin ang ating target. Nakapagtanim tayo ng higit isang milyong puno sa buong bansa—three years ahead of schedule. Bilang simbolo ng dedikasyon, inakyat ng ating team sa Southern Mindanao ang Mount Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa, para magtanim ng Tinikaran trees at markahan ang ating millionth milestone,” pagpapatuloy niya.
“Ang ating Million Learners Campaign naman ay nakapagpamahagi na rin ng 460,272 bags. Direkta itong nakarating sa mga remote areas, tulad ng Obu Manuvu Indigenous Peoples learners sa Kidapawan City,” saad pa niya.
Iniisa-isa niya rin ang ilan pang nagawa ng OVP para sa pagtatayo ng negosyo, libreng sakay program, at ang accountability at operational excellence—kung saan nakatanggap sila ng Special Citation mula sa Development Academy of the Philippines dahil sa isinagawa nilang “Paper-less” challenge.
“Patuloy po tayo maging matatag sa mga hamon ng krisis at patuloy na maging mapagmahal sa ating bayan. Gikan sa tibuok Opisina sa Bise Presidente naghinaot mi sa inyong malipayong pagsaulog sa Pasko ug kasadya sa inyong bag-ong tuig. Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” pagtatapos ni VP Sara.
Matatandaang ibinida rin kamakailan ng Bise Presidente ang kaniyang kahandaan na maging Pangulo ng bansa, matapos ang ilang panawagan na pababain si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa puwesto.
“Of course, there's no question about my readiness. I presented myself to you when I was a candidate for vice president, with the understanding that I am the first in line in succession. Wala nang tanong do'n kung ano ang gagawin ko. 'Yon ang mandate sa akin ng Constitution. At alam ko 'yon no’ng ako ay tumakbo. At binoto n’yo ako knowing I’m in the first in line,” anang Bise Presidente.
MAKI-BALITA: VP Sara sa kahandaang maging pangulo: ‘At binoto n’yo ako knowing I’m in the first in line’-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA