Nangako sa publiko si Vice President Sara Duterte na hindi raw siya, at Office of the Vice President (OVP), titigil para malabanan ang kasakiman mula umano sa mga mataas na opisyal sa pamahalaan.
Ayon sa naging video statement ni VP Sara kaugnay sa 2025 year-end report ng OVP na inilabas niya sa kaniyang Facebook account nitong Lunes, Disyembre 1, sinabi niyang patuloy raw nilang ipapakita kanilang mga hakbangin para mapaunlad ang bansa.
“Mga kababayan, patuloy tayong lalaban sa kasakiman ng mga iilang mataas na opisyal ng ating pamahalaan,” saad niya.
Pagdidiin pa niya, “Patuloy namin na ipapakita sa inyo na ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay mahalaga sa amin ang pagkakaroon ng plano, mahusay na implementasyon ng proyekto, paglaban sa korapsyon, at tapang at malasakit para magkaroon ng kapayapaan at kaunlaran sa ating bayan.”
Hinikayat din ni VP Sara ang mamamayang Pilipino na manatili raw maging matatag sa mga krisis na kanilang kinakaharap at mahalin ang bansa.
“Patuloy po tayo maging matatag sa mga hamon ng krisis at patuloy na maging mapagmahal sa ating bayan,” aniya.
“Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, nauna na ring isa-isang iniulat ni VP Sara sa publiko ang lahat ng umano’y nagawa ng OVP sa loob ng taong 2025.
MAKI-BALITA: VP Sara, ibinida 'accomplishments' ng OVP sa 2025 year-end report
Mapapanood sa naturang video na ibinahagi ng Pangalawang Pangulo ang pagmamalaki niya sa mga ayudang ipinamahagi ng OVP sa mga nagdaang kalamidad, pagtulong sa Pilipinong may mga karamdaman, pagbibigay ng burial assistance, kampanya sa pagtatanim ng mahigit isang (1) milyong mga puno, at iba pa.
“Nakapagbigay tayo ng tulong sa 4,643 na Pilipinong may karamdaman. At nakatulong ang ating Burial Assistance sa 1,377 beneficiaries…”
“Sa kabuuan, umabot sa 73,054 na pamilyang Pilipino na naapektuhan ng kalamidad ang ating natulungan, kabilang dito ang 9,129 na pamilyang nakatanggap ng donated items.”
“Bilang simbolo ng dedikasyon, inakyat ng ating team sa Southern Mindanao ang Mount Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa, para magtanim ng Tinikaran trees at markahan ang ating millionth milestone,” pag-iisa-isa ni VP Sara.
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Malawak na alyansa ng oposisyon vs VP Sara sa 2028 elections, posible nga ba?
MAKI-BALITA: Trillion Peso March, bukas muna sa 'VP Sara resign' bago 'PBBM resign?'
Mc Vincent Mirabuna/Balita