Ipinagpaliban na muna ng Land Transportation Office (LTO) ang dapat sana’y tuluyang pagbabawal sa mga e-trike at e-bike na dumaan sa mga national road, simula ngayong Lunes, Disyembre 1, 2025.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, ililipat na lamang daw nila sa Enero 2, 2026 ang kanilang impounding operations sa naturang mga pampublikong transportasyon.
“Bilang tugon sa mga hinaing ng publiko... pansamantalang walang impounding operation habang nagpapatupad muna kami ng malawakang information drive upang bigyan ng sapat na panahon ang lahat na maunawaan at makasunod sa umiiral na regulasyon," saad ni Lacanilao.
Samantala, iginiit din ng LTO na tuloy pa rin ang pagpapakalat nila ng mga LTO officers ngayong Disyembre 1, upang abisuhan ang lahat ng mga driver ng e-bike at e-trike hinggil sa magaganap nilang operasyon sa Enero.
Aniya “Simula Dec. 1, 2025 magiging visible ang ating LTO enforcers and personnel sa mga kalsada para isulong ang information drive.”
Nilinaw din ni Lacanilao na hindi naman daw tuluyang ipagbabawal ang paggamit ng mga e-bike at e-trike, bagkus, pagbabawalan lamang ang mga ito sa pagdaan sa mga national roads.
Aniya, “Bawal bumiyahe ang LEV sa national highway, pero p'wede silang tumawid bilang bahagi ng normal traffic flow. Ang pinagbabawal ay ang pag-cruise o pag biyahe mismo sa highway. Hindi ang pagtawid sa tamang tawiran.”
Matatandaang nanunang makumpirma ang pagbabawal ng mga e-trike at e-bike sa national roads, matapos itong sitahin sa budget deliberation sa Senado.
“Lumalala po yung problema sa e-bike and itong mga nag-e-bike of course nagsasakay sila mga pasahero, walang mga lisensya, at of course dahil hindi sila rehistrado sa LTO wala din po silang insurance, third party liability, so kapag sila po ay nakasagasa then sorry na lang,” ani Sen. Raffy Tulfo.
KAUGNAY NA BALITA: E-bike, e-trike, ipagbabawal na sa mga pangunahing kalsada, simula Dec. 1!