December 13, 2025

Home BALITA Internasyonal

OFW sa Hong Kong kinilala sa katapangan, niligtas alagang sanggol sa sunog

OFW sa Hong Kong kinilala sa katapangan, niligtas alagang sanggol sa sunog
Photo courtesy: OWWA (FB), AP Photo/Chan Long Hei via MB

Kinilala ang katapangan at kabayanihan ng isang Pinay domestic helper (DH) sa Hong Kong matapos niyang suungin ang malakas na sunog kamakailan para mailigtas ang alaga niyang sanggol.

Ayon sa international news outlets, ang nasabing sunog sa Wang Fuk Court, na isang residential apartment complex sa Tai Po district, ay tinaguriang “Hong Kong’s worst fire in more than seven decades” dahil sa mabilis nitong pag-akyat sa maximum Level 5 emergency, at pag-abot ng dalawang araw bago tuluyang matupok. 

Sa kasagsagan ng trahedyang ito, natagpuan ng rescuers si Rhodora Alcaraz, na mahigpit na nakayakap sa tatlong buwang sanggol niyang alaga para protektahan ito sa makapal na usok. 

Ayon sa panayam ng media sa kapatid niyang si Raychelle Loreto, ilang ang araw pa lamang si Rhodora sa Hong Kong bago mangyari ang sunog. 

Internasyonal

Japan, niyanig ng magnitude 6.7 na lindol; tsunami advisory, inisyu

Nang nabalot ng makapal na usok ang unit nila, kasama niyang na-trap sa loob ang kaniyang employers at ang anak nilang sanggol, na binalot niya sa basang towel at niyakap nang mahigpit sa loob ng ilang oras bago dumating ang rescuers. 

Sa kasalukuyan, stable na ang sanggol at binibigyan na ng karampatang atensyong medikal, habang si Rhodora ay nasa kritikal na lagay at patuloy na mino-monitor ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). 

“Si Rhodora ay kasalukuyang nasa ospital sa critical condition ngunit stable at maayos ang tugon sa gamutan. Personal siyang binisita ng OWWA Hong Kong, Philippine Consulate General, DMW, at Migrant Workers Office upang iparating ang buong suporta ng pamahalaan,” pahayag ng OWWA noong Linggo, Nobyembre 30. 

Dahil sa kabayanihang ipinamalas ni Rhodora, kinilala siyang “modern day hero” at huwaran ng malasakit at tapang, hindi lamang ng ahensya, kung hindi maging ng mga kapwa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong, na ipinananalangin ang kaniyang mabilis na recovery at paggaling. 

KAUGNAY NA BALITA: Pinay OFW, kritikal sa sunog sa HK; 1 pang DH, nawawala pa rin

Sean Antonio/BALITA