Nanatiling nakangiti si Department of the Interior and Local Government (DILG) Jonvic Remulla sa kabila ng mga naging matatalim na pasaring ng ilang raliyista sa kaniya sa “Baha sa Luneta 2.0” noong Linggo, Nobyembre 30.
Sa kaniyang panayam sa media matapos kaharapin ang iba’t ibang grupo ng mga raliyista sa Recto, Maynila, na unang nagtipon mula sa Luneta, binanggit ng Kalihim na personal siyang pumunta rito para samahan ang kapulisan na ipina-deploy para matiyak ang kaayusan sa lugar.
“I’m always on top of this situation. Ayoko kasi makita ‘yong kapulisan natin na nag-iisa lang dito dahil makita nila, as much as they are willing to sacrifice, ‘yong leader nila, kasama rin,” ani Remulla.
Nang tanungin kung napikon ba siya sa mga naging mura at matatalim na salitang naibato sa kaniya ng ilang raliyista, tinawanan ito ng Kalihim at sinabing parte na iyon ng kaniyang buhay-pulitika.
“Hindi, wala. Kasama sa pulitika ‘yan. Di ba, kasama ‘yan. Okay lang ‘yan. Pero tao lang tayo, pero so far, okay na sa akin. Nakita n’yo kanina minumura ako, okay lang, kasama ‘yan,” ani Remulla.
“Peace to all mankind, ganoon lang tayo. Papakinggan namin kayo at makakaasa kayo na ang hinahanap niyong hustisya ay darating,” dagdag niya bilang mensahe naman sa mga raliyista.
Inilarawan rin niya bilang “generally peaceful” ang naging kilos-protesta dahil wala raw nagkasakitan at naging batuhan.
“Peaceful naman. We observed everyone’s right to be heard. So generally, peaceful naman. Nakita n’yo naman, diba? Walang batuhan, walang tear gas,” aniya.
Nang tanungin naman hinggil sa naging dami ng kapulisan, binanggit ni Remulla na mas mabuti na raw overprepared kaysa underprepared, dahil sa mga umano’y nagsasabing “overkill” ang naging tugon ng pamahalaan sa malawakang kilos-protesta.
“Ang seguridad kasi ng bansa ang binabantayan dito. Hindi naman isang tao, hindi naman isang building, pero buong bansa ‘to. Kaysa payagan natin na anarchy ang manaig dito, pangit ‘yon,” paliwanag niya.
Sa kaugnay na ulat, nasa higit 3,000 katao ang nagtipon para sa “Baha sa Luneta 2.0,” na pinangunahan ng iba’t ibang progresibong grupo tulad ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), at Alliance of Concerned Teachers (ACT) Teachers partylist.
Sean Antonio/BALITA