Nagbigay ng reaksiyon si dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo matapos niyang ma-boo sa ginanap na Trillion Peso March sa EDSA People Shrine noong Linggo, Nobyembre 30.
Sa panayam ng media noon ding Linggo, sinabi ni Panelo na dalawang taon na raw siyang nanawagan sa taumbayan na lumabas sa mga kalye.
"Dalawang taon na akong nananawagan na lumabas sa kalye ang tao. Araw-araw ko 'tong pinapanawagan na sumama kayo. Ang sabi ko, mahirap 'yong hiwa-hiwalay tayo," saad ni Panelo.
Dagdag pa niya, "Iisa lang naman ang isyu, e. Whether corruption, whether resign or whatever. Gano'n pa rin 'yon. Iisa lang 'yon. Kasi 'pag hiwa-hiwalay tayo e gustong-gusto ng nira-rally-han natin na hindi tayo nagkakasundo.”
Ayon sa abogado, panahon na raw upang iisantabi muna pansamantala ang sari-sariling politika ng bawat isa.
“Tandaan mo 'yong People Power 1, wala naman do'ng mga iba-ibang grupo, e. People Power 2, gano'n din. E, bakit 'di natin gawin ngayon?” ani Panelo.
Matatandaang nakatuon ang Trillion Peso March na ginanap sa EDSA para ipanawagan ang pagpapakulong sa lahat ng kurakot na sangkot sa isyu ng korupsiyon.