Nakumpiska ng Land Transportation Office (LTO) ang aabot sa 30 bilang ng mga luxury cars dahil sa kawalan umano ng rehistro ng mga ito at walang driver’s license ang mga may-ari sa mga mamahaling sasakyan.
Ayon sa naging pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao mula sa inilabas na video ng LTO sa kanilang Facebook page nitong Lunes, Disyembre 1, sinabi niyang mga walang rehistro at lisensya ang dahilan nila kaya na-impound ang mga luxury car.
“Iba’t iba ang violation. Biruin ninyo… apat na Mustang, ang Porsche na 911, dalawa, ang Porsche na Cayenne, tatlp, ang BM, dalawa,” pagsisimula niya.
Paliwanag pa niya, “Ang karamihan po na mga violation, kung magtataka kayo ang mahal-mahal ng mga sasakyan, walang rehistro. Pangalawa, walang driver’s license ang karamihan kaya po talagang ini-impound.”
Ani Lacanilao, dumaan daw sa proseso ang pagsamsam nila ng mga sasakyang lumalabas na lumabag sa batas-trapiko.
“Ang mga enforcer po namin, nakikita nila kung sila ay nakarehistro o hindi. So pag-flag down namin, iche-check natin sila, hihingin muna ‘yong driver’s license tapos ipoproseso na rin, nakikita na wala silang driver’s license kasi wala ring maibigay,” aniya.
“Karamihan dito walang mga rehistro May Jaguar, may Range Rover. Nagulat din ako sa dami,” dagdag pa niya.
Giit ni Lacanilao, hindi lang daw mga mamahaling sasakyan ang ini-impound nila kundi lahat ng sasakyang mahuhuli nilang hindi sumunod sa regulasyon.
“Hindi namin pinag-iinitin ang luxury vehicles, ha. Lahat. Mapa-ordinaryong sasakyan, SUV, AUV, van, basta nakita namin ‘yong violation, hinuhuli talaga namin,” ‘ika niya.
“Ang nangyari dito, karamihan walang rehistro, karamihan walang lisensya,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi na binanggit ni Lacanilao ang pagkakakilanlan ng mga may-ari ng nasabing luxury cars.
MAKI-BALITA: 'Hindi bawal sports car pero dapat maayos papeles!'—LTO
MAKI-BALITA: Pagpapabawal sa mga e-trike, e-bike sa nat'l roads ngayong Dec. 1 ipinagpaliban ng LTO
Mc Vincent Mirabuna/Balita