Tila nagawan pa rin ng paraan ni Vice President Sara Duterte na makapagbigay ng tulong sa mga Pilipinong may karamdaman at kinakailangang maipalibing sa kabila ng kawalan ng pondo ng kaniyang opisina para sa nasabing programa.
Sa latest Facebook post ni VP Sara nitong Lunes, Disyembre 1, sinabi niyang nakipagtulungan siya sa ibang ahensya ng gobyerno para makakuha ng alternatibong pondo na inilaan sa medical at burial assistance.
Aniya, “Dahil dito, nananatiling bukas ang ating assistance windows nitong taong 2025. Nakapagbigay tayo ng tulong sa 4,643 na Pilipinong may karamdaman.”
“At nakatulong ang ating Burial Assistance sa 1,377 beneficiaries. Ito ang pruweba na kung may puso at paninindigan para maglingkod, laging may paraan para tulungan ang ating mga kababayan,” dugtong pa ng Bise Presidente.
Matatandaang inanunsyo ng OVP noong Enero na walang pondo ang kanilang medical and burial assistance program sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Ang 2025 GAA ay may kaakibat na ₱6.352-trillion na pondo para sa mga ahensya ng gobyerno. Ito ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Disyembre 30, 2024.
Maki-Balita: OVP, walang pondo sa kanilang medical and burial assistance program