December 12, 2025

Home BALITA National

'I-post agad!' SILG Jonvic, nakiusap na ibalandra sa socmed si Zaldy Co 'pag naispatan

'I-post agad!' SILG Jonvic, nakiusap na ibalandra sa socmed si Zaldy Co 'pag naispatan
Photo courtesy: PCO (FB), Zaldy Co (FB)

Nakiusap si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa mga Pilipinong nasa ibang bansa na kunan umano ng litrato si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at agad itong i-upload sa social media para matunton nila ang kinaroroonan ng dating mambabatas. 

Ayon ito sa isinagawang press briefing ng Presidential Communication Office (PCO) nitong Lunes, Disyembre 1, kung saan nagkaroon ng pagkakataong humingi ng pabor si Remulla sa publiko. 

“Nakikiusap kami sa lahat ng Pilipino sa buong mundo na na kung makikita nila si Zaldy Co, kung puwede nilang picturan, ipadala kaagad, i-post agad sa internet,” pagsisimula niya. 

“Para may ideya tayo kung nasaan siya,” paglilinaw pa niya. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Ani Remulla, may hinala raw sila ngayon na sa bansang Portugal naninirahan si Co. 

“Sa ngayon, ang hinala namin ay nasa Portugal siya. Doon po siya naninirahan,” aniya. 

Samantala, nagbigay rin ng impormasyon sa publiko si Remulla kaugnay sa kinaroroonan naman ngayon ni Porac, Pampanga Mayor Jaime “Jing” Capil na nadidikit ngayon sa kaso ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). 

“Pagdating naman kay Porac Mayor, he is in the Philippine as of in immigration records. Nandito pa rin siya,” pagtutukoy niya. 

Dagdag pa niya, “There is a warrant of arrest out for him and he is sent surrender filler to the PNP.” 

Babala pa ni Remulla, mapipilitan silang magsagawa ng “intensive man hunt” sakali mang hindi piliing sumuko ni Capil. 

“We will know this week kung magsu-surrender siya. Kung hindi, sisimulan na namin ‘yong intensive man hunt para sa kaniya,” pagtatapos pa niya. 

Bukod dito, matatandaang nagbigay na rin ng babala noon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa mga kagaya ni Co na pugante umanong nagtatago sa labas ng bansa. 

MAKI-BALITA: 'Kayong mga pugante umuwi na kayo, hinahabol na kayo ng batas'—PBBM

“Kailangan nating [ipaalam] sa lahat ng mga pugante, hindi puwedeng gamitin ang mga ari-arian na galing sa kaban ng bayan na ninakaw ninyo para tumakas o umiwas sa batas,” aniya. 

Pagdidiin pa ng Pangulo, “You cannot steal from Filipino people and expect to hide or fly away  on your private jets.”

Nagawa ring hikayatin ni PBBM na umuwi na ang mga hindi niya pinangalanang “pugante” sa bansa. 

“Kaya kayong mga pugante, umuwi na kayo. Ang payo ko sa inyo, hindi na kayo turista, hinahabol na kayo ng batas,” pagtatapos pa niya.

MAKI-BALITA: Bilang ng mga nagprotesta sa Metro Manila, 'di lalampas sa 20,000—DILG Sec. Remulla

MAKI-BALITA: ‘Mugshot, malapit na!’ Sec. Dizon, kumpiyansang liliit na mundo ni Zaldy Co

Mc Vincent Mirabuna/Balita