Tiniyak mismo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi lalampas sa 20,000 ang bilang ng mga raliyistang nagsagawa ng mga kilos-protesta sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila noong Linggo, Nobyembre 30, 2025.
Ayon sa naging press briefing na isinagawa ng Presidential Communication Office (PCO) nitong Lunes, Disyembre 1, sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na nairaos daw nang mapayapa ang mga naikasang kilos-protesta noong Linggo.
“Masaya ko pong ipinaparating sa inyo na kahapon po ay napakapayapa ng ginawang pagkilos ng mga nagpoprotesta laban sa korapsyon,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, hindi raw lalampas sa 20,000 ang kabuuang bilang ng mga nagprotesta ayon sa tala ng ahensya nila.
“Ang total number po na aming na-estimate ay hindi po lalampas nga 20,000 sa buong Metro Manila ang nag-protesta,” aniya.
Pag-iisa-isa pa niya, “Sa [EDSA] people power monument po, at its peak, mga anim (6) na libo. Sa Luneta ay tatlong (3) libo, sa Liwasang Bonifacio ay isang (1) libo. At its peak sa Mendiola on the first wave ay dalawang (2) libo and second wave ay 200.”
Nilinaw rin ni Remulla na may kasabay ring naganap na kilos-protesta mula naman sa iba’t ibang lugar sa Luzon at Cebu.
Pagpapatuloy pa ni Remulla, sinigurado niya sa publiko na wala raw kahit isang nasaktan sa naganap na mga kilos-protesta ng maraming progresibong grupo at naging sapat ang preparasyon Philippine National Police (PNP) para mabantayn nang maayos ang mga naturang kolektibong pagkilos.
“Gusto ko rin pong iparating sa inyo na one hundred (100) percent po ay walang nasaktan, walang acts of violence, walang hooliganism, walang anarchy, at ‘yong security preparations ng PNP po ay nasunod at sumunod na rin ang mga tao,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang ikinasa ng iba’t ibang mga grupo ang nakatakda na nilang Baha sa Luneta 2.0 na kilos protesta noong Linggo sa Luneta Park.
Bukod dito, nagkasa rin ng malawakang kilos-protesta na Trillion Peso March Movement ang iba’t ibang mga grupo sa mula EDSA Shrine hanggang EDSA People Power Monument sa Quezon City noon ding Linggo.
MAKI-BALITA: Rep. Barzaga 'di nagpunta sa mga rally ng Nov. 30: 'Chill computer gaming muna!'
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Malawak na alyansa ng oposisyon vs VP Sara sa 2028 elections, posible nga ba?
Mc Vincent Mirabuna/Balita