Hindi raw sakop ang mga senador ng tinatawag na "No Work, No Pay" batay sa pagkakaalam ni Sen. Win Gatchalian, matapos makapanayam sa "Tandem ng Bayan" ng DZMM nitong araw ng Lunes, Disyembre 1.
Nauntag kasi nina Doris Bigornia at Robert Mano si Gatchalian tungkol sa nangyaring senate plenary debates sa budget ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, bilang siya ang chair ng senate committee on finance.
Sumulpot sa panayam ang pagiging absent ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa mula pa sa kalagitnaan ng Nobyembre, at natanong si Gatchalian kung ano raw ba ang ipinadalang "excuse letter" ng senador sa kaniyang pagliban nang matagal. Papasok na raw kasi ang mga senador sa pagtalakay naman sa mga amyenda sa budget. Natanong ang senador kung hindi raw ba siya nahirapan sa pagdepensa sa budget ng National Defense dahil wala nga ang senador na siyang chair ng nabanggit na komite.
Saad naman ni Sen.Win, bilang co-chair ng komite, hindi naman daw siya nahirapan dahil sa mga naganap na meeting, kumukuha naman daw siya ng notes at nakikinig naman sa usapan. Bukod doon, nagkaroon din sila ng mga mas madetalyeng meeting kasama ang Department of National Defense (DND).
Nang matanong naman kung anong sinabing rason ni Dela Rosa kung bakit higit isang buwan na siyang nawawala, sinabi ni Gatchalian na walang opisyal na liham na ipinadala ang senador sa komite kung bakit siya liban; at ang tanging natanggap lamang ay mensahe mula sa staff ng senador, na nakikiusap kay Gatchalian na siya na lamang ang dumepensa sa budget ng DND.
Ang tamang procedure daw sana ay magpadala ng official letter sa Senado upang malaman ang dahilan ng pag-absent.
Sunod na tanong sa mambabatas, kung puwede raw bang i-apply sa kaniya ang "No work, no pay" na kadalasang nararanasan ng working class sa mga kompanya.
"Alam ko sa senators, walang ganiyan eh, na 'No work, no pay.' Sa pagkaalam ko ha, walang ganiyang application, kaya dapat nga magpadala ng excuse letter kung bakit hindi ka makakapasok, kung ano bang nagiging problema, para tingnan kung ano ang estado mo," saad pa ni Gatchalian.
Si Dela Rosa ay nagsimulang lumiban sa mga sesyon sa Senado nang sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla na may warrant of arrest na raw ang International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Kaugnay na Balita: 'Ano ba talaga, Kuya?' Remulla at Remulla, nagkontrahan sa hakbang ng ICC kay Sen. Bato!
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Dela Rosa tungkol sa isyu.